LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia Lunes ng umaga na may narehistrong tatlong bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease at dalawa ang nakarekober sa mapanganib na sakit sa Bataan.
Umakyat sa 261 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa virus kung saan 80 ang aktibong kaso o ang mga hindi pa gumagaling sa Covid-19, sabi ng governor.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso, aniya, napawang may mga travel history sa Metro Manila ay isang 42-anyos na lalaki, 61-anyos na lalaki, at 27-anyos na lalaking overseas Filipino worker, lahat mula sa Limay.
Tumaas naman sa 171 ang bilang ng mga nakarekober matapos gumaling ang isang 28-anyos na lalaki mula sa Bagac, at 33-anyos na lalaki mula sa Orani.
Nananatiling 10 ang bilang ng mga pumanaw na.
Nasa 320 ang naghihintay ng resulta ng test at 5,006 ang nagnegatibo na, sabi ng provincial health office.
Mula umano noong ika-31 ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay 5,587 na ang na–test sa lalawigan.
”Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19 palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng face mask at mag–observe ng physical distancing na isang metro,” patuloy na tagubulin ni Garcia.