LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Miyerkules na 23 ang narehistrong bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan samantalang isa ang nakarekober sa mapanganib na virus.
Sa nangyari, lumobo sa 212 ang kabuuang bilang ng mga nasuring may Covid–19 sa lalawigan samantalang bahagyang umakyat naman sa 155 ang gumaling na sa Covid–19 at nananatiling 10 ang pumanaw na.
Ang bagong gumaling ay isang 42-anyos na overseas Filipino worker mula sa bayan ng Abucay.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso ay isang 57-anyos na lalaking OFW mula sa Pilar, 45–anyos na lalaking OFW mula sa Abucay, 32-anyos na lalaki mula sa Samal, 29– anyos na lalaking healthworker mula sa Lungsod ng Balanga, 51–anyos na babae mula sa Orion.
Ang iba pa ay Isang 54–anyos na lalaki mula sa Orion, 49–anyos na babae mula sa Orion, 54–anyos na babae mula sa Mariveles, 54–anyos na lalaki mula sa Mariveles at isang 38 taong gulang na babae mula sa Mariveles din.
Pinakamarami sa bayan ng Orani dahil 13 ang bagong narehistrong positibo sa Covid–19 at ang mga ito ay 33–anyos na lalaki, 61–anyos na babae, 28–anyos na babae, 8–anyos na babae, dalawang 31-anyos na lalaki, 33–anyos na lalaki, 63– anyos na lalaki, 65–anyos na lalaki, 53–anyos na babae, 41–anyos na lalaki, 40– anyos na babae at 24–anyos na lalaki.
Sa pagkakadagdag ng 23 sa listahan, umakyat sa 47 ang bilang ng aktibong kaso o ang mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa Covid–19 sa lalawigan, sabi ng governor.
Samantala, sinabi ni Dr. Rosanna Buccahan, provincial health office chief, na nasa 165 ang naghihintay ng resulta ng test at 4,028 ang nagnegatibo na. Mula, aniya, noong ika-31 ng Enero ay 4,405 na ang sumailalim sa Covid–19 laboratory exam.