Home Headlines Covid-19 sa Bataan: 2 patay, 63 bagong kaso

Covid-19 sa Bataan: 2 patay, 63 bagong kaso

809
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Umabot na sa 29 ang namatay matapos may dalawang bagong nasawi samantalang pumalo na sa 1,881 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan nang may madagdag na bagong 63.

Sinabi ni Gov. Albert Garcia ngayong Biyernes na ang mga bagong pumanaw ay isang 66-anyos na babae mula sa Mariveles at 66-anyos na lalaki mula sa Limay.

Nasa 889 ang mga aktibong kaso o bilang ng mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa mapanganib na virus.

Ang 63 na mga bagong kumpirmadong kaso ay 23 mula sa Mariveles, 19 sa Orion, 14 sa Limay, apat sa Dinalupihan, at tig-iisa sa Orani, Abucay, at Balanga City.

Lumabas sa contact tracing na 33 sa mga bagong kaso ay nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19. Ang mga ito ay 14 mula sa Orion, 13 sa Mariveles, dalawa sa Limay, at tig-iisa sa Orani, Abucay, Dinalupihan, at Balanga City.

Kabilang sa 33 ang walong bata na dalawang pitong taong gulang na parehong lalaki, walong taong gulang na lalaki, at 10-anyos na lalaki mula sa Orion; apat na taong gulang na lalaki, walong taong gulang na babae, at pitong taong gulang na babae mula sa Mariveles; at isang 11-anyos na lalaki mula sa Abucay.

Ang iba pa sa mga kumpirmadong kaso ay 12 mula sa Limay, 10 sa Mariveles, lima sa Orion, at tatlo sa Dinalupihan.

Umakyat naman sa 963 ang nakarekober na matapos magtala ng 25 bagong gumaling na ang 10 ay mula sa Mariveles, tig-lima sa Limay at Balanga City, apat sa Pilar, at isa sa Dinalupihan.

Mula sa 18,576 na sumailalim sa Covid-19 test, 16,232 ang nagnegatibo na at 463 ang naghihintay pa ng resulta.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here