Home Headlines Covid-19 Bataan: 14 bagong pumanaw, Gov patuloy sa paalaala

Covid-19 Bataan: 14 bagong pumanaw, Gov patuloy sa paalaala

673
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Nagtala ang Bataan nitong Lunes ng 14 na bagong nasawi sa coronavirus disease na nagpataas sa kabuuang bilang nito sa 850, ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Martes kalakip ang patuloy na paalaala.

Ang mga bagong pumanaw ay mula sa Dinalupihan – 6, Abucay – 3, Hermosa – 1, Orani – 1, Pilar – 1, Limay – 1, at Samal – 1.

Sa kasalukuyan 23,284 na ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa Covid-19 sa Bataan na ang 3,838 ay aktibong mga kaso  matapos madagdagan ng 73 bagong kumpirmadong kaso, na higit na kakaunti kumpara sa nakaraang mga araw.

Ang mula sa Dinalupihan na bagong kumpirmadong kaso  ay 18,  Hermosa (15), Abucay (9), Balanga City (8), Morong (5), Mariveles (4), Pilar (4), Limay (3), Orani (3), Orion (2), at Samal (2).

Mas marami ang mga bagong nakarekober na umabot ng 240 kaya umakyat ang kabuuang bilang nito sa 18,596.

Ang mga bagong gumaling ay mula sa Balanga City, 62; Limay, 53; Morong, 29; Abucay, 23; Dinalupihan, 23; Hermosa, 17; Samal, 12; Pilar, 9; Mariveles, 7; Orion, 3; at Bagac, 2.

Sinabi ng governor na buhay at kamatayan ang nakasalalay sa pagsunod sa mga alituntuning pangkalusugan. Kung gusto, aniya,  nating maranasang magdiwang ng mahahalagang okasyon gaya ng dati, alalahaning nananatiling mapanganib ang Covid-19.

Umiwas muna raw sa pisikal na pagdalo o pagdaraos ng hindi esensyal na pagtitipon.

“Hinihikayat ang lahat na gawing virtual muna ang pagsasagawa ng pagdiriwang ng kaarawan, kasal, binyag, at anumang pagtitipon na isa sa mga nagiging sanhi ng hawahan. Iwasan rin ang pagpunta sa matataong lugar o kaya naman ay manatili na lamang sa loob ng tahanan kung hindi naman mahalaga ang paglabas ng bahay,” pahayag ni Garcia.

Ipinaalaala rin ng governor na ayon sa tala ng Department of Health mula noong Marso taong 2020 hanggang Hulyo taong kasalukuyan, 70 porsyento ng mga namamatay dahil sa Covid-19 ay mga senior citizens.

“Mahalagang hikayatin ang ating mga nakatatandang mahal sa buhay na tangkilikin ang programang pagbabakuna na tanging solusyon upang maiwasan ang pagkakaroon ng severe symptoms sakaling dapuan ng virus na nagiging sanhi ng pagkaka-ospital at kamatayan,” payo ng governor.

“Hindi dapat ikabahala ang mga side effects ng bakuna dahil ito ay banayad lamang at nawawala rin sa loob ng ilang oras o araw. Hindi rin totoo na ang bakuna ay nakamamatay, bagkus patuloy nating napapatunayang nakamamatay ang Covid-19,” dagdag ni Garcia.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here