Home Headlines COMELEC NE ipinaalala ang kahalagahan ng pagboto

COMELEC NE ipinaalala ang kahalagahan ng pagboto

828
0
SHARE
Sa isang panayam ay ibinahagi mismo ni Rommel Rama, Provincial Election Supervisor ng Commission on Elections sa Nueva Ecija ang mga paalala para sa lahat ng mga botante na lalahok sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) Nueva Ecija sa kahalagahan ng pagboto at partisipasyon ng lahat para sa nalalapit na halalan.

Ito ay may kaugnayan sa idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 sa darating na Oktubre.

Ayon kay Nueva Ecija Provincial Election Supervisor Rommel Rama, ang bawat eleksyon ay mahalaga na kinakailangang lahukan ng mga mamamayan bilang karapatan sa pagpili ng mga manunungkulang lider sa komunidad.

Kaniyang sinabi na ang paglahok sa halalan at pagboto ng mga lider ay paraan ng pagbibigay direksyon sa isang lugar na nagsisimula sa mga barangay hanggang sa munisipyo, siyudad, probinsiya, at sa buong bansa.

Payo ni Rama sa lahat ng mga botante ay pumili ng mga karapat-dapat na manunungkulan na hindi lamang mahusay sa salita, kundi subok na sa mahusay na paglilingkod, may takot sa Diyos, at kayang kumilala ng sariling pagkakamali.

Tulad aniya ng dati ay magsisimula ang botohan sa mismong araw ng halalan simula alas-siyete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon, ngunit asahan nang mas mahaba ang proseso ngayong BSKE dahil manwal ang gagawing pagboto at pagbibilang ng mga balota.

Isusulat mismo ng mga botante ang pangalan ng mga iboboto mula Kapitan hanggang sa mga Konsehal ng barangay, na gagawin din ng mga boboto ng SK Chairperson at mga Kagawad.

Sa kasalukuyan ay tinututukan ng COMELEC Nueva Ecija ang pagbibigay ng kasanayan sa mga guro na magsisilbi sa halalan.

Sa buong Nueva Ecija ay mangangailangan ng nasa 848 na Department of Education Supervisor Official (DESO); 1,062 DESO support staff; 14,055 Board of Election Tellers; at 2,544 na Board of Canvassers.

Samantala, base sa tala ng COMELEC Nueva Ecija ay umabot na sa 1,589,429 ang regular registered voters, samantalang, 528,284 naman ang mga botante para sa SK. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here