MALOLOS CITY— Muntik nang mapatay ng isang humahagibis na patrol car ng pulisya ang isang kolehiyala matapos masagasaan sa lungsod na ito noong Martes ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si Nessie Melo Bulilan, 18, residente ng Calumpit at mag-aaral ng marketing management sa Centro- Escolar University (CEU) Malolos campus.
Siya ay agad na isinugod sa Bulacan Medical Center.
Ayon kay SPO4 Gil Punzalan, traffic investigator ng Malolos City Police Office, ang biktima ay nasagasaan ng patrol car 461 ng Malolos PNP na minamaneho ni PO3 Galdwin Lajom.
Ang insidente ay naganap sa kahabaaan ng MacArthur Highway sa harap ng CEU-Malolos campus bandang alas-3 ng hapon noong Martes.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tumawid mula sa campus ang mag-aaral nang mabundol ng patrol car.
Sinabi naman ni Lajom sa pulisya na nagmamadali siya sa pagkakataong iyon dahil reresponde siya sa isang indente ng pamamaril sa kabilang panig ng lungsod na ito.
Iginit pa ni Lajom na hindi gumagana ang klaxon electronic horn o wang-wang ng patrol car kaya’t hindi narinig ng mag-aaral na siya ay parating.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkadismaya si Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito at nagsabing magsasagawa sila ng imbestigasyon.
Ayon pa sa alkalde, nasa maayos nang kalagayan ang biktima, ngunit magsagsagawa pa ang mga duktor ng X-ray at MRI test upang matukoy kung may pinsala sa katawan ng biktima.