Cloud seeding sa Angat Dam, isasagawa anumang oras

    384
    0
    SHARE

    HAGONOY, Bulacan—Tuloy at anumang oras ay maaaring simulan ang cloud seeding operation sa Angat Dam dahil sa patuloy na pagkaubos ng tubig doon.

    Ito ang naging pahayag ni Gladys Cruz-Sta. Rita, pangulo ng National Power Corporation (Napocor), ilang araw matapos masawi ang apat katao na nagsasagawa ng cloud seeding sa Magat Dam nang bumagsak sa isang maisan ang eroplanong kanilang kinasasakyan.

    “Tuloy ang cloud seeding,” sabi ni Sta. Rita sa isang text message. Ang mensahe ay tugon sa balitang kumalat na sinuspinde ang cloud seeding sa Angat Dam dahil sa pagbagsak ng eroplano sa Nueva Vizcaya noong Abril 26.

    Sa kasunod na mensahe ni Sta. Rita, mas nilinaw niya ang operasyon ng cloud seeding: “Only the Nueva Vizcaya (cloud seeding) was suspended.” Mapapansin din sa kasunod niyang mensahe na lubhang kailangan na ang pagsasagawa ng cloud: “Anytime ang sa Angat Dam.”

    Ito ay dahil na din sa patuloy ang pagkaubos ng tubig sa Angat Dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng may 13 milyong residente ng Kalakhang Maynila, kasama ang ilang bayan at lungsod ng sa mga lalawigan ng Rizal at Cavite.

    Batay sa tala, ang water elevation sa Angat Dam ay bumaba sa 183.62 meters above sea level (masl) noong Miyerkoles. Ito ay mahigit tatlong metro na lamang bago sumayad sa kritikal na 180 masl. Kapag sumayad sa 180 masl ang water elevation sa Angat Dam, ang alokasyon sa irigasyon ng magsasaka ay puputulin upang bigyang prayoridad ang tubig inumin ng Kalakhang Maynila.

    Una rito, sinabi ni Inhinyero Rodolfo German noong Abril 25 na bago pumasok ang unang lingo ng Mayo ay sisimulan na ang cloud seeding operations sa Angat Dam.

    Si German ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) na nasa ilalim ng Napocor at siyang namamahala sa 53,000 ektaryang Angat Watershed. Nilinaw pa niya na ang cloud seeding operations ay tatagal ng 60 flight hours at nagkakahalaga ng P2.6 milyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here