HAWIG NA UGALI. Humigit kumulang sa P137 bilyon ang nawala sa Pilipinas noong 2011 dahil sa malala at lumalala pang trapiko sa Kalakhang Maynila, ayon sa ulat ng Rappler.com na kung saan ang pag-aaral ay isinagawa ng National Center for Transportation Studies.
Dagdag pa ng ulat na kasinghalaga nito ang dalawang buwan na padala ng mga overseas Filipino workers at 1.4 porsyento ng kabuuang pondo ng bansa.
Walang pwedeng sisihin sa lumalalang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila kung hindi ang pamahalaan, ang mga naging pangulo at ang kasalukuyang pangulo ng Pilipinas.
Matagal ng isinusulong na maging pangunahing paliparan ang Clark International Airport o CIA upang mapunta dito ang malaking bulto ng mga sasakyan na dumadaan sa Kalakhang Maynila papuntang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Subalit nananatiling bingi ang ating mga lider sa isyu bagamat alam ng marami na ito ang pangunahing solusyon sa nasabing problema.
Matatandaan na ipinangako ito ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kaniyang talumpati at sinabing magiging pangunahing paliparan ang CIA sa loob lamang ng isang taon at ang “old NAIA 1” ay isasara.
Subalit makaraan lamang ang ilang buwan ay nag-iba na ang ihip ng hangin.
Pagkaupo naman ni PNoy ay bumulusok itong dating transportation secretary na si Mar Roxas na nagsusulong “kuno” na matuloy ang plano sa CIA. Aniya, hindi na umano kakayanin pa ng NAIA ang pagdami ng mga pasahero kada taon kaya’t nararapat lamang na ihanda na ang Clark.
Pero kagaya ni GMA, makaraan lamang ang ilang buwan ay nag-iba na ang ihip ng hangin. Ibinibidang muli ni Roxas ang NAIA at kinalimutan na ang plano para sa CIA.
Hindi na kailangan pang maging isang political analyst para lamang malaman ang biglang pagbabago ng kanilang isip. Kahit makatunggali, tingin ko ay tila mayroon lang silang hawig na ugali.
Naalala ko tuloy ang isang kasabihang Kapampangan, “ing manako kasaman ne ugali ing kalupa ng mapanako.”
q q q
TURISMO. Maliban sa gaganda ang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila ay dadami din ang mga turistang pupunta sa Pilipinas kung magiging pangunahing paliparan ang CIA.
Madaming sa kanila ay gustong lumapag sa CIA kagaya ng libo-libong mga OFWs (sa Gitnang Silangan) na umuuwi sa Hilaga at Gitnang Luzon. Anila, bukod sa walang problema sa trapiko ay mas ligtas at maganda ang seguridad kesa sa NAIA.
Maganda din ang tanawin sa Clark kumpara sa NAIA. Makikita ang bundok ng Arayat at ang luntiang kapaligiran ng Pampanga, malayong malayo sa nakikitang tanawin sa paglapag sa NAIA.
Mula sa CIA ay madali ng makakapunta ang mga turista sa ibat ibang mga tourist destinations ng bansa kagaya ng Davao, Puerto Prinsesa sa Palawan, Cebu at Boracay dahil sa mga budget airlines.
Mula sa Clark naman ay makakalabas sila patungo sa ibang mga bansa kagaya ng Macao, Hongkong, Singapore, Korea, China, Vietnam at Malaysia.
Higit sa lahat ay makakabuti ito sa ekonomiya ng Lungsod ng Angeles, San Fernando at Mabalacat at ng iba pang karatig bayan at probinsya.
q q q
Madaming pwedeng matutunan at mapulot na konsepto sa CNN Freedom Project to end modern day slavery.
Maaaring magpasimula ng maliliit na proyekto na kung saan makikinabang ang publiko lalo na ang mga babae at bata.
Sigurado ako na hindi tayo mauubusan ng mga konsepto na naiiba ng konti sa nasabing CNN project at mas angkop sa bawat lugar sa Pilipinas. Sana ay mapasimulan ito ng ibang mga local at national TV stations at media organizations sa ibat ibang mga probinsya o rehiyon.
Dahil malapit narin ang eleksyon, maganda na maglabas ng isang proyekto kung saan ila-lifestyle check ang mga sidekicks o chief of staff ng mga pulitiko.
Madalas kasi ay biglang yaman sila kahit alam naman nating hindi ganoon kalaki ang kanilang sahod.
Sa ganitong paraan ay makakapagtawid tayo ng mensahe at makapagtuturo ng tamang pagpili ng mga lider o di kaya’y makapagpapaalis ng mga TraPo at political dynasties na hindi kanais-nais.