OLONGAPO CITY — Para makatiyak na magagampanan at maipapatupad ang mga plataporma at pangako ng mga tumakbong kandidato sa nakalipas na halalan, binuo ang Civil Society ng Olongapo na siyang magsisilbing mata sa mga ito.
Sa ginanap na convenors’ meeting sa Jubilee Hall sa Columban College, na dinaluhan ng iba’t-ibang religious groups, barangay officials, PNP, DepEd, mga Aetas ng Barangay Iram, SK at iba pang grupo, nagkaisa ang mga ito na kanilang babantayan ang bawat galaw at kung paano gagawin ang mga ipinangako sa taumbayan noong panahon ng kampanyahan.
Ayon kay Rev. Msgr. Crisostomo Cacho, binuo ang civil society upang mabantayan ng tama ang bawat kilos ng mga kandidato sa kanilang mga ipinanagko at huwag na lamang itong isantabi para makamit ang sinasabing pagbabago sa Olongapo.
Ganun din ang pananaw ni Rev. Father Kenneth Masong na dapat matiyak ng bawat isa ang tamang pamamalakad at ang mga ipinangako sa panahon ng sila ay humihingi ng pabor sa bawat mamamayan na dapat ay kanila nang mapaglingkuran.
Sa kabilang banda bagamat hindi pinalad na manalo sa nagdaang halalan si City Councilor Lugie Lipumano na tumakbo sa pagka-vice mayor ay todo suporta pa rin ito sa bagong pamunuan ni Mayor-Elect Rolen Paulino.
Nagpakita din ng suporta si Mr. Bong Pineda ng Chamber of Commerce of Olongapo sa magandang layunin ng civil society at aniya makakaasa ang grupo sa tulong.
Nakatakda namang gawin ang isang prayer rally sa unang araw ng session ng mga bagong uupong mga halal na opisyal ng lungsod para sila mabigyan ng basbas ng kaparian.