LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Kasama sa mga prayoridad na programa ng pamahalaang bayan ng Cabiao sa Nueva Ecija ang paglalapit at pagpapaganda ng uri ng edukasyon para sa mga mamamayan.
Pinangunahan ni Mayor Ramil Rivera ang groundbreaking ceremony ng itatayong bagong gusali para sa mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa Cabiao Senior High School.
Dito ay sinabi ng alkalde ang hangarin ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng magandang edukasyon ang bawat kabataang Kabyawenyo.
Naniniwala si Rivera na mahalaga para sa isang pamilya na mayroong makapagtapos ng pag-aaral na susi sa pag-asenso ng pamumuhay.
Sa isinagawang programa ay kaniya ring ibinalita na mayroon nang lote para sa itatayong campus ng Polytechnic University of the Philippines sa munisipyo.
Aniya, sa pamamagitan nito ay hindi na kailangan pang dumayo ng mga kabataan o mamamayan sa malayong lugar upang maghanap ng magandang unibersidad dahil magkakaroon na ng pamantasan sa bayan na maghahatid ng kalidad na edukasyon.
Kaniyang mensahe sa mga nasasakupang mamamayan ay patuloy na suportahan ang mga inisyatibo ng pamahalaang lokal, na mananatiling nakaagapay sa mga pangangailangan ng mga kabataan sa pag-abot ng mga pangarap sa buhay.
Samantala ay ibinahagi naman ni Cabiao Senior High School Assistant School Principal II Ronaldo Dayao ang malaking maitutulong ng itatayong bagong gusali para sa katuparan ng pangarap ng mga nais makapag-aral ng ALS.
Magsisilbing gabay aniya itong bagong pasilidad upang maipagpatuloy ng mga kabataan at mamamayan ang naudlot nilang pag-aaral.
Ilan pa sa mga proyektong nagawa ng lokal na pamahalaan ay ang pagpapatayo ng bagong paaralan na Enrique P. Rivera Jr. Elementary School sa Sitio Dumanas, Barangay San Fernando Sur na malaking benepisyo sa mga residente ng sitio pati na rin sa mga karatig na komunidad.
Pagpapagawa ng Information and Communications Technology Hub sa Cabiao Central School, pagkakaloob ng supplementary reading at learning materials, paglalagay ng washing area at pagsasaayos ng iba pang mga pasilidad sa mga paaralang nasasakupan ng bayan. (CLJD/CCN-PIA 3)