CABANATUAN CITY – Nabigla ang mga residente at otoridad sa lungsod na ito nang biglang bumaha ng lampas-tao sa sampung barangay nito kahit walang malakas na ulan nitong hatinggabi ng Sabado.
Pasado alas- 11 ng gabi nang biglang tumaas ang baha at malubog ang bahay ng may 400 pamilya sa tatlong purok ng Barangay Sta. Arcadia rito kaya’t napilitan silang ilikas sa mas matataas na lugar, ang iba’y sa mismong gilid na lamang ng kalsada at mga kamag-anak, ayon kay Barangay Chairman Joel Escuadro.
Ayon kay Helen Bagasao, city social welfare and development officer (CSWDO), umabot sa mahigit 2,000 pamilya ang inilkas sa mga paaralan, barangay hall at ilang gymnasium mula sa sampung barangay hanggang nitong Linggo ng hapon.
“Masyadong malawak ang epekto ng pagbaha na ito na hindi natin malaman kung saan nanggaling,” ani Bagasao.
Bukod sa Sta. Arcadia, ang iba pang barangay na naapektuhan ng biglaang pagbaha ay Valle Cruz, Barrera, D.S. Garcia, Imelda, Mabini Homesite/Villa Luz, Daan Sarile, San Juan Accfa, M.S. Garcia at San Roque Sur.
Kinailangang magdagdag ng relief packs ng CSWDO, ayon kay Bagasao, dahil bukod sa mahigit 2,000 sa walong evacuation centers ay kinailangan ding magpamahagi sila sa mga apektadong pamilya na lumikas sa labas ng mga itinakdang lugar.
Mgdamag at maghapon din kasi aniyang hindi makabalik sa kani-kanilang bahay ang mga ito at walang nadala para sa kanilang pangangailangang pagkain.
Samu’t sari ang naging hinala ng publiko sa pinagmulan ng tubig pero tiniyak ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) na hindi ito nagpakawala ng tubig mula sa Pantabangan Dam o anumang maliliit na dam sa lalawigan.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) posibleng rumagasa ang tubig mula sa kabundukan ng Gen. Tinio, Nueva Ecija dahil sa pagtaas ng Rio Chico River.