BUSTOS, Bulacan — Nagsagawa na ng preemptive release ang Bustos Dam dahil sa pag-ulan na nararanasan simula pa kahapon dala ng Bagyong Florita.
Ayon sa tala ng Bustos Dam, 1:35 p.m. kahapon nang magsimulang buksan ng isang metro ang sluice gate nito dahil sa pagtaas ng tubig na umabot sa 17.42 meters.
Maabot na kasi nito ang spilling level na 17.50 meters. Ayon sa nangangasiwa ng dam, kailangan na mapanatili sa 17.34meters ang water level nito.
Sa kasalukuyan ay patuloy sa pagpapakawala ng tubig ang Bustos Dam sa lakas na 45 cubic meter per second.
Sa kabila nito ay wala pa namang naiuulat na mga pagbaha ang provincial disaster risk reduction and management office maliban sa mga bayan ng Hagonoy, Paombong, at Obando dahil sa high tide.
Maaga namang nag-anunsyo ang lokal na pamahalaan ng Hagonoy ng walang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan dahil sa high tide at masamang panahon.
Kinansela rin ang klase sa mga coastal barangays na Binakod, Sta. Cruz, at Masukol elementary schools sa bayan ng Paombong dahil din sa high tide at pag-ulan.