Bulakenyo, nanguna sa mechanical engineering board exam

    4018
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Sa batang edad ay nagka-interes na si Leo Ventura Punongbayan sa pagkutingting sa mga makina. Nagsimula ito sa kanyang laruan na kanyang binabaklas pagkatapos ay muling ibinabalik sa dati.

    Ang interes na ito ang isa sa mga dahilan na nagtulak sa kanya upang mag-aral ng kursong may kinalaman sa mga makina. Ito ay nagbunga at nitong Marso 25, halos ay hindi makapaniwala si Leo nang kanyang mabasa na iya ang nanguna sa talaan ng mga nakapasa sa 2014 mechanical engineering licensure examination.

    Opo, si Leo na residente ng Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Guiguinto at nagtapos sa Mapua Institute of Technology (MIT) ang topnotcher sa nasabing pagsusulit ng makakuha siya ng grado na 94.05. Kasunod niya si Jem Sarit Martin Alem na kaklase sa MIT, Michael Joseph Cerda ng Dela Salle University (DLSU), at Carlo Ray Selabao ng University of the Philippines (UP) Diliman, na pawang may gradong 93.15.

    Nasa ikatlong puwesto si Michael Joseph Cerda ng DLSU (92.55); kasunod sina Fernan Jade Bautista ng DLSU (92.25); Denver Cruz ng MIT (92.05); Yves Bartolata ng Mindanao State University- General Santos City (91.75).

    Sinabi ni Punongbayan na hindi niya inasahan na siya ang magiging topnotcher. “Magagaling at maruunong din po yung mga nakasabay kong kumuha ng examination,” aniya. Ngunit binigyang diin niya ang posibleng natatanging kaibahan niya sa iba pang sumailalim sa eksaminasyon.

    “Siguro po ay ako yung pinakamalakas magdasal,” sabi niya sa panayam. Ito ay kinumpirma din ng kanyang ina na si Olivia. Ang 21-taong gulang na si Punongbayan ay nagtapos noong nakaraang Oktubre sa MIT bilang magna cum laude.Siya ay naging isa sa iskolar ng Petron Philippines sa nagdaang dalawang taon.

    Dahil dito, ang unang dalawang taon ng pagtatrabaho ni Punongbayan ay kanyang gugugulin sa Petron. Sa kanyang batang edad ay kinakitaan na ng potensyal ng magandang hinaharap si Punong bayan. Ito ay dahil sa nagtapos siya bilang salutatorian sa Holy Spirit Academy of Malolos (HSAM) noong 2009.

    Siya ang panganay na anak nina Lorenzo Punongbayan na nagtatrabaho sa isang brokerage firm at ni Olivia Ventura-Punongbayan, isang administrative officer sa Sanguniang Bayan Guiguinto.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here