Bulakenyo di nawawalan ng pag-asa sa kabila ng krisis

    597
    0
    SHARE
    GUIGUINTO, Bulacan—Malinaw ang pag-asang nakikita ng mga opisyal sa Bulacan sa kabila ng maiitim na ulap na hatid ng krisis pang-ekomimiya bunsod ng pagbagsak ng financial market sa Amerika.

    Ayon kay Mayor Isagani Pascual ng bayang ito, ang mga pagtatanggal ng mga trabahador at pagsasara ng mga kumpanya ay mga normal na bahagi ng pagnenegosyo lalo na kung may krisis.

    Aniya, “normal lang iyan, may nagsasara, pero marami din namang nagbubukas.”

    Bilang isang dating negosyante na nagtayo at namahala sa RIS Industrial Complex sa bayang ito na itinuturing na isa sa pinakamatagumpay sa Bulacan, sinabi ni Pascual na hindi dapat mabahala ang ma tao sa mga balitang pagsasara ng ilang pabrika.

    Ito ay matapos magsara ang isang pabrika ng mga damit sa RIS complex noong nakaraang taon kung saan 68 manggagawa ang nawalan ng trabaho.

    Ayon kay Pascual, masuwerte ang Pilipinas dahil hindi masyadong maapektuhan ng krisis pang-ekonomiya.

    “Mapalad tayo, hindi tayo masyadong aabutan ng krisis kasi nailatag ni President Gloria (Arroyo) ang ground work,”aniya.

    Pinayuhan din niya ang mga negosyante at mangangalakal na maging konserbatibo sa kanilang mga desisyon.

    “Let’s do everything in moderation, maging maingat tayo sa paggastos, let’s cut costs of doing business,” aniya.

    Kaugnay nito, sinabi ni Jeremias Caguingin ng Bulacan Investment Promotion Division (BIPD) ng pamahalaang panglalawigan na mas apektado ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ang mga kumpanyang kabilang sa manufacturing sector, kumpara sa mga kumpanyang kasama sa hanay ng Business Process Outsourcing (BPO).

    Sinabi rin ni Caguingin na patuloy ang pag-unlad ng mga BPO sa lalawigan at maging ang Commission on Information Communication Technology (CICT) ay nakapansin nito.

    Dahil dito, limang bayan at lungsod sa Bulacan ang napabilang sa Top Ten Next Wave Cities for outsourcing sa bansa.

    Ito ay ang Lungsod ng Meycauayan at mga bayan ng Marilao at Baliuag na pumang-pito sa Top Ten kasunod ng Lungsod ng Angeles at bayan ng Mabalacat sa Pampanga na pumang-anim.

    Pumang-siyam naman ang Lungsod ng Malolos at katabing bayan ng Calumpit, kasunod ng Cagayan de Oro na pumang-walo.

    Ang iba pang mga lungsod at bayan sa bansa na napabilang sa Top Ten Next Wave Cities for outsourcing ayon sa CICT ay ang Metro Laguna (una), Metro Cavite (pangalawa), Iloilo (pangatlo), Davao (pang-apat), Bacolod (panglima) at Lipa na naging pang-sampu.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here