LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ang Bulacan University and Collegiate Athletic Association (BUCAA) na tutuklas ng galing ng mga Bulakenyong atleta.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ang BUCAA ay hindi lamang tungkol sa basketball dahil magkakaroon ng din cheerdance sa unang taon ng liga.
Kabilang sa mga kalahok ang Bulacan State University, STI College, La Consolacion University Philippines, Centro Escolar University, Bulacan Polytechnic College, Bulacan Agricultural State College, Bestlink College of the Philippines, City College of San Jose del Monte, at College of Our Lady of Mercy of Pulilan Foundation Inc.
Kasama rin ang College of Saint Lawrence Inc., Colegio de San Gabriel Arcangel, SJDM Cornerstone College Inc., Dalubhasang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag, Dr. Yanga’s Colleges Inc., Polytechnic University of the Philippines Sta. Maria Campus, at Pambayang Dalubhasaan ng Marilao.
Sa mga susunod na taon, ipakikilala rin sa BUCAA ang volleyball, table tennis, badminton at chess.
Ipinagmalaki ni Fernando ang reputasyon ng Bulacan bilang isang lalawigan na pinagmulan ng mga kilalang atleta gaya nina Bobby Jose at Art Dela Cruz sa larong basketball at nina Eya Laure at Mika Reyes sa larong volleyball.
Binigyang diin pa nito ang tatlong layunin ng BUCAA na pagpapaunlad ng sarili, pagpapalakas ng dangal ng paaralan, at pagpapaalab ng diwa ng mga Bulakenyo.
Dagdag pa ng gobernador na karamihan sa mga atletang Bulakenyo ay naghahanap ng oportunidad sa ibang lugar upang ipagpatuloy ang pag-abot ng kanilang pangarap at ito ang nais tugunan kaya itinatag ang BUCAA.
Magtatatag din anya ang lalawigan ng isang Sports Academy sa Bulacan Sports Complex sa layuning bigyan ng kaukulang pagpapabuti ang mga pasilidad nito sa mga susunod pang taon sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Naitatag ang BUCAA sa pamamagitan ng Executive Order No. 11 bilang pagtalima sa Republic Act 10742 na kilala bilang “Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015”. (CLJD/VFC-PIA 3)