Ang pagdidisinfect sa Capitol building kasunod ng pagpopositibo sa corona virus ng tatlong empleyado dito. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsagawa na ng disinfection ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa Capitol main building na limang araw na isasara matapos magpositibo sa Covid-19 ang tatlong empleyado dito.
Sinuyod ng disinfecting team na mga nakasuot ng PPE ang mga tanggapan sa kapitolyo para i–disinfect. Ang bawat sulok ng gusali ay inisprayan maging ang mga hagdanan, lamesa, upuan, computers, at palikuran.
Mula ngayong Lunes hanggang sa Biyernes ay isasara ang kapitolyo para gawin ang disinfection na ipinag-utos ni Gov. Daniel Fernando.
Habang ginagawa ang disinfection, ang mga tanggapan na nasa Capitol main building ay pansamantalang ililipat sa Hiyas ng Bulacan Convention Center para sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon.
Bukod sa disinfection ay gagawin din ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng tatlong empleyado.
Samantala batay sa pinakahuling ulat ng Bulacan provincial health office ay umakyat na sa 1,098 ang total number of active cases sa lalawigan habang 618 ang recoveries at 54 na ang namatay.