Bulacan bulk water project tuloy na

    354
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Matutugunan na ang problema sa tubig ng mga water district sa Bulacan, ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado.

    “Magagamit na natin ang tubig sa Angat Dam dahil tentatively pipirmahan na sa Malakanyang sa July 5 yung Bulacan Bulk Water project,” ani Alvarado sa kanyang lingguhang programa sa DWSS Radio noong Sabado.

    Hindi tinukoy ng punong lalawigang ang halaga ng magiging proyekto, ngunit binigyang diin niya na kapag nagsimula ito ng operasyon, makatitiyak ang mga Bulakenyo na magiging mas mababa ang presyo ng tubig na padadaluyin sa Bulacan kumpara sa Kalakhang Maynila.

    “Our rates will be lower by at least P5 per cubic meter kahit tumaas ang rates parati pa rin tayong mababa,” ani Alvarado

    Ito ay dahil sa ang Angat Dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng Kalakhang Maynila ay matatagpuan sa Bulacan.

    Bukod dito, ang tubig na padadaluyin mula sa Angat Dam patungo sa mga water district sa lalawigan ay pag-aari ng lalawigan.

    “May water rights tayo na ibinigay noong 1992, kaya atin yung tubig, padadaluyin na lang sa mga water district,” ani Alvarado.

    Matatandaan na noong huling bahagi ng 2007 ay naging mainit ang debate hinggil sa nasabing proyekto na noo’y planong pondohan ng Manila Water Corporation (Manila Waters) ng P11 bilyon.

    Sa kabuuan ng pagtatalo sa sangguniang panglalawigan, isang probisyon lamang ang pinaglabanan.

    Ito ay kung itutuloy o iuurong ang kasong isinampa laban sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong 2005 sa panahon ni dating Gob. Josie Dela Cruz.

    Para kay Alvarado na noo’y bise gobernandor ng lalawigan at dalawa pang kaalyadong bokal dapat matuloy ang kaso maging ang proyekto.

    Ngunit namayani ang mga kaalyado sa SP ni noo’y Gob. Joselito Mendoza na bumoto sa resolusyon na nagsasabing ituloy ang proyekto, ngunit iuurong ang kaso.

    Ilang araw matapos mapagtibay ang nasabing resolusyon, lumagda si Mendoza at noo’y MWSS Administrator Lorenzo Jamora sa isang kasunduan para sa proyekto.

    Ngunit ayon kay Bokal Ramon Posadas, nawala ng bisa ang nasabing kasunduan dahil hindi iyon napagtibay ng MWSS Board.

    Sa pahayag ni Alvarado noong nakaraang Sabado, tiniyak niya na ang makikinabang sa proyekto ay ang mga Bulakenyo at hindi ang iilang tao.

    Binigyang diin niya na anuman ang maging bahagi ng kapitolyo sa kikitain sa operasyon ng proyekto, iyon ay makakarating sa taumbayan.

    Kaugnay nito, sinabi ni Nicasio Reyes, general manager ng City of Malolos Water District, na ang mataas na water rates na ipapataw sa pagpapadaloy ng tubig ang ipinangamba ng mga water district noong 2007.

    Inihalimbawa niya na noong 2007, ang panukalang presyo ng Manila Water ay P16 bawat metro kubiko.

    Ito ay higit na mataas sa noo’y P12 bawat metro kubikong singil ng CMWD.

    “Mas malaking problema, kasi tubig pa lang ay P16 na ang sisingilin wala pa yung distribution rates,” ani Reyes sa panayam noong Mayo..

    Ang konsepto ng proyektong Bulacan Bulk ay unang nabuo noong 1992 sa panaunungkulan ni dating Gob. Roberto Pagdanganan.

    Sa panahon ng panunungkulan ni Dela Cruz mula 1998 hanggang 2007, ito ay ibinilang na na priority project ng kapitolyo.

    Ngunit matapos ang siyam na taon ay wala ring nangyari sa kabila ng pagpapahayag ng interes sa proyekto ng Vivendi, isang kumpanyang Pranses.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here