Bulacan bulk water project, bukas na sa bidding

    486
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Masisimulan na ang pagpapasubasta sa multi-bilyong pisong Bulacan Bulk Water Project (BBWP) matapos lagdaan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang isang kasunduan noong Huwebes sa Malakanyang.

    Ito ang ikalawang kasunduang nilagdaan ng MWSS at Bulacan hinggil sa BBWP Water matapos na hindi matuloy ang unang kasunduan na pinirman noong Disyembre 2007.

    Ang paglagda noong Huwebes ay pinangunahan nina MWSS Administrator Architect Gerry Esquivel at Gob. Wilhelmino Alvarado na sinaksihan ni Executive Secretary Jojo Ochoa, Public Works Secretary Rogelio Singson at mga opisyal ng Bulacan.

    Nakasaad sa MOA na ipatutupad ang proyekto sa pamamagitan ng maayos at tapat na pagbi-bid o pakikipagtawaran ng publiko alinsunod sa public-private partnership framework para sa pagsisimula ng proyekto, pagpapatupad, operasyon at pamamahala nito.

    Gayundin, bubuo ng isang Technical Working Group at Special Bids and Awards Committee na siyang magtatrabaho upang maisakatuparan ang proseso ng bidding.

    Dagdag pa rito, nakasaad din na ipatutupad ang proyekto sa ilalim ng sistema ng Bulk Water Supply Scheme sa mga water district at iba pang ahensiya na may katulad na serbisyo sa tubig upang matiyak ang malinis na suplay ng tubig para sa mga Bulakenyo.

    Nagkasundo rin ang dalawang partido na siguruhin na mas mababa ng limang piso ang singil ng tubig sa Bulacan kaysa sa Metro Manila.

    Base sa tala at kalkula ng Provincial Planning and Development Office, matutugunan ng proyektong ito ang mga suliraning may kaugnayan sa tubig sa Bulacan gaya ng kakulangan sa malinis na tubig, makapagdadagdag din ito ng oportunidad sa pagkakaroon ng trabaho ang mga Bulakenyo.

    Bago ito, una nang lumagda ng Memorandum of Understanding ang MWSS, Local Water Utilities Administration (LWUA) at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kung saan isinasaad dito ang pagsasakatuparan ng Angat-Umiray Transbasin Project noong Disyembre 7, 1992 at naging operasyonal noong 2002 upang tugunan ang pangmatagalang pangangailangan sa tubig ng Bulacan.

    Taong 1992 din nang ipasa ng MWSS ang Resolution No. 220-92 na nagsasama sa Bulacan sa mga seserbisyuhan ng MWSS na sinang-ayunan din ng Tanggapan ng Pangulo noong Abril 1993 alinsunod sa R.A. No. 6234.

    Sinaksihan ang nasabing pirmahan para sa BBWSP nina Congresswoman Marivic Sy-Alvarado, Cong. Pedro Pancho, Atty. Henry Villarica, lahat ng mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Bise Gob. Daniel Fernando at 20 mula sa 24 na mga punong bayan at lungsod sa lalawigan ng Bulacan.

    Ayon sa LWUA, ang BBWP ay binalangkas noon pang dekada 80 upang tugunan ang pangangailangan sa sapat at malinis na suplay ng tubig sa mga water district sa Bulacan, lalo’t higit sa mga bayang nasa baybayin at bulubundukin kung saan pahirapan ang pagkuha ng tubig mula sa ilalim ng lupa.

    Ang huling kasunduan ay kaugnay ng Resolution No. 2012-024 na ipinasa nito lamang Marso 8, 2012 at base sa Opinion No. 263 Series of 2011 ng Office of the Government Counsel na may petsang Nobyembre 25, 2011, idineklara nito na ang nasabing proyekto ay hiwalay mula sa East at West Zone concessions at tatawaging North Zone.

    Gayundin, binibigyan nito ng kapangyarihan ang MWSS na humanap ng outside bidder para sa operasyon ng nasabing proyekto sa ilalim ng sistemang public-private partnership.

    Matatandaan na noong Disyembre 2007, nilag-daan nina dating Gob. Jonjon Mendoza at dating MWSS Lorenzo Jamora ang P11-B proyektong BBWP.

    Ngunit hindi natuloy ang nasabing proyekto dahil sa hindi napagtibay ng MWSS Board ang nasabing kasunduan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here