‘Buhayin ang PRCS’

    577
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS — Ang mabababaw na ilog sa Gitnang Luzon ang isa sa mga naging dahilan ng malawakang pagbaha matapos ang malakas na ulan na hatid ng hanging habagat noong Agosto 7.

    Dahil dito, ipinayo ng Regional Development Council (RDC)ng Gitnang Luzon na buhayin ang Pampanga River Control System, ang dating dibisyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na namamahala sa mga kailugan.

    Ang panukala ay inayunan naman ni DPWH Secretary Rogelio Singson.

    Ang PRCS ay binuwag may 20 taon na ang nakakaraan upang bigyang daan ang Mt. Pinatubo Commission (MPC).

    Sa isinagawang biglaang pulong ng RDC Sectoral Committee on Infrastructure Development (SCID) noong Agosto 17 sa Pampanga, ipinaliwanag ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang kahalagahan ng PRCS.

    Bilang tagapangulo ng SCID, sinabi ni Alvarado na kailangan ang PRCS upang matutukan ang paghuhukay sa mga kailugan sa rehiyon.

    Iginiit pa niya na matapos buwagin ang PRCS, ang mga tauhan nito at kagamitan ay inilipat sa MPC.

    Dahil dito, unti-unting bumabaw ang mga kailugan sa rehiyon at lumiit ang kakayahan ng mga ito na pagdaluyan ng tubig sa nagdaang 20 taon.

    “Ang pangunahing dahilan kung bakit nagsilubog ang ating mga bayan at lungsod matapos ang malakas na ulan ay umapaw ang mga ilog dahil sa heavily silted,” ani Alvarado.

    Inihalimbawa niya ang Labangan Floodway sa Bulacan na hinukay noong huling bahagi ng dekada 70.

    Ayon kay Alvarado, ang dating lalim ng Labangan Floodway ay pitong metro ngunit ngayon, may bahagi ito na isang metro na lamang ang lalim.

    Ito ay nangangahulugan, ani ng punong lalawigan, na pitong beses ang iniliit ng water holding capacity ng Labangan Floodway.

    Iginiit pa ni Alvarado na sa panahon ng pamamahala ng PRCS sa kailugan ng rehiyon, kabilang na ang Labangan Floodway, ay may sariling kagamitan ito.

    Kabilang dito ay ang dalawang draga na may pangalang “Damayan 1” at “Damayan 2” na dati ay nakahimpil sa Labangan Floodway sa Hagonoy at regular na nagagamit sa pagpapanatili ng lalim nito.

    Ngunit matapos buwagin ang PRCS upang bigyang daan ang MPC, ang dalawang draga ay inilipat din sa pamamahala ng MPC at ginamit sa paghuhukay ng ilog sa Pampanga na naapektuhan ng pagbaba ng lahar na ibinuga ng Bulkang Pinatubo.

     “It is now time to revive the Pampanga River Control System or bring up an agency that is mandated to supervise the rehabilitation and dredging of the rivers not only in Bulacan and Pampanga but also in other provinces in the region,” ani Alvarado.

    Para naman kay Public Works Secretary Singson na dumalo sa pulong ng SCID, humahanap pa rin sila ng mga pamamaraan upang makontrol ang pagbabaw ng kailugan sa rehiyon upang matulungan ang mga pamahalaang lokal.

    “Pinag-aaralan nating mabuti kung ano ang magagawang paraan para matulungan ang mga LGUs tulad ng pagbili ng sariling dredgers.

    Naghahanap din tayo ng lugra na natural catch basin, kung saan maglalagay tayo ng impounding system para kapag malakas ang ulan, ang tubig na kadalasang nagdudulot ng problema ay iimbakin natin para hindi magdulot ng pagbaha at sa halip ay magamit sa agriculture, or even as drinking water,” ani Singson.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here