Home Headlines BOI: Bulacan magiging investment powerhouse ng Luzon Economic Corridor

BOI: Bulacan magiging investment powerhouse ng Luzon Economic Corridor

126
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Matutupad ang pagiging isang investment powerhouse ng Bulacan sa isinusulong na Luzon Economic Corridor.

Iyan ang ipinahayag ni Board of Investments (BOI) Green Lane Division Chief Lubin De Vera Jr. sa ginanap na Bulacan Business Forum.

Ang Luzon Economic Corridor ay konseptong nabuo bilang resulta ng Philippines-Japan-United States Trilateral Cooperation noong Abril 2024 sa ilalim ng Group of 7 Partnership for Global Infrastructure and Investments.

Ibig sabihin, tutulong ang Japan at Estados Unidos sa Pilipinas na pondohan ang mga bagong imprastraktura na itatayo upang ganap na maging sentro ng kalakalan, komersiyo at logistika ang bahaging ito ng Luzon.

Pangunahin dito ang paggawa ng bagong riles ng tren na lubos na magkakabit sa Subic, Clark, Metro Manila at Batangas.

Dadaanan nito ang malaking bahagi ng kanluran ng Bulacan na iba pa sa ruta ng itinatayong North-South Commuter Railway.

Dahil sa pagdaan at pagdating sa lalawigan ng mga bagong big-ticket infrastructure project, ipinaliwanag ni De Vera na akmang akma ang paghahanda ng Bulacan dahil isa-isa nang nailalagak ang mga kailangang pasilidad na tutulong sa pagbuo ng Luzon Economic Corridor.

Pangunahin na rito ang pagsisimula ng isang malaking renewable energy project tulad ng Terra Solar na isang Philippine-British collaboration, sa hilagang bahagi ng Bulacan at katimugan ng Nueva Ecija.

Magtitiyak ito sa suplay ng kuryente sa mga bagong economic zones sa Bulacan na kakabit sa nasabing mga proyektong imprastraktura.

Ipinapaliwanag ni Board of Investments Green Lane Division Chief Lubin De Vera Jr., sa ginanap na Bulacan Business Forum, na magiging isang investment powerhouse ang lalawigan sa binubuong Luzon Economic Corridor. Patatatagin ito ng mga insentibong ipagkakaloob sa bisa ng Republic Act 12066 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy. Gayundin ng mga polisiyang mas nagbukas sa ekonomiya sa larangan ng retail trade liberalization, public service at 100 porsyentong ownership ng mga foreign investors.(Shane F. Velasco/PIA 3)

Malaking bentahe rito ang First Bulacan Business Park sa Malolos at ang Bulacan Special Economic Zone and Freeport sa palibot ng itinatayong New Manila International Airport sa Bulakan.

Tiniyak din ni De Vera na hahatak ito ng mas maraming pamumuhunan dahil iiral sa mga economic zones na ito ang Republic Act No. 11647 o ang naamyendahang Foreign Investments Act na nagpapahintulot sa mga mamumuhunan na 100 porsyento makapagmay-ari ng negosyo.

Inaasahan naman na lalakas ang retail industry sa loob ng mga economic zones na ito dahil maari nang makapaglagak ng inisyal na P25 milyong halaga ng pamumuhunan mula sa dating P100 milyon, sang-ayon sa inamyendahang Republic Act 11595 o Retail Trade Liberalization Act.

Patuloy ding magbibigay ang BOI ng output-based at time-bound incentives para sa mga bagong pamumuhunan sa ilalim ng Republic Act 12066 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy.

Kaugnay nito, may halagang US$100 bilyon ang inisyal na investment commitments para sa iba’t ibang proyekto sa ilalim ng inisyatibong Luzon Economic Corridor. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here