MINALIN, Pampanga – Apektado na rin ng bird flu ang anim na poultry farm sa Barangay San Pedro rito, kasunod ng naunang napaulat na insidente ng sakit sa katabing barangay na San Bartolome sa bayan ng Sto. Tomas. Dahil dito ay kasalukuyan na rin na nagsasagawa ng culling ang Barangay San Pedro.
Ayon kay San Pedro barangay chairman Ariel Mercado, habang nagsasagawa pa ng culling sa katabing Barangay San Bartolome ay nahawa na rin ng bird flu ang mga manok sa mga poultry farm sa kanilang lugar. Kaya’t ipinag-utos na rin ng lokal na pamahalaan ng Minalin na isailalim sa culling ang mga manok dito.
Dagdag pa ni Mercado, inaasahan na tatagal pa ng hanggang dalawang linggo ang culling sa kanilang lugar at tinatayang nasa 70,000 hanggang 90,000 pa ang bilang ng mga manok na ibabaon sa lupa.
Kasunod nito ay naapektuhan din aniya ang mga pagawaan ng feeds sa kanilang bayan at marami na rin ang nawalan ng trabaho sa kanilang lugar dahil sa pagkakasakit ng mga manok. Dahil dito ay malaki din ang epekto nito sa mga kabuhayan dahil ang kanilang barangay ay isa sa malaking pinagkukuhanan ng itlog sa kanilang bayan.
Samantala, patuloy pa rin ang culling sa Barangay San Bartolome na tatagal pa ng hanggang apat na araw, ayon kay chairman Ramil Pangilinan. Isinisisilid ang mga patay na manok sa sako at hinahakot sa tulong ng lokal na pamahalaan at dinadala sa material recovery facility para ibaon sa lupa.
Nauna nang sinabi ni Sto. Tomas Mayor Johnny Sambo na nasa 300,000 mga manok ang ika-culling sa kanilang lugar mula sa walong poultry farm na naapektuhan ng virus.
Ani Sambo, hindi pa matukoy kung paano nakapasok ang bird flu virus sa Barangay San Bartolome at Poblacion sa kanilang bayan.
Aniya, sa tindi ng epekto ng bird flu ay inaasahan na tatagal ng taon bago makabangon ang poultry industry sa kanilang bayan.