Binili ng Ampatuan, ang armas n’yan sa militar?

    327
    0
    SHARE
    Mga pitong taon na ang nakaraan
    May naisulat na rin tayo minsan,
    Na ka’lintulad ng pangyayaring ganyan
    Sa ibang ‘media outfit’ na sinusulatan.

    Na kung saan ayon sa “reliable source”
    Ng inyong “yours truly” o ng abang lingkod
    Ay sa militar din naman noon halos
    Nanggaling ang armas ng ilang “rebel groups;”

    Kung saan kabilang itong Abu Sayaff
    Sa nakabili ng mamahaling armas,
    Sa kung sinong sabi ay nakatataas
    Na opisyales ng Sandatahang Lakas;

    Pero nang dahil sa walang nagpursigi
    Upang halungkatin ang isyung nasabi,
    Nabaon sa limot at hindi nangyari
    Ang inaasahan nating mangyayari;

    Na maparusahan ang dapat managot
    Sa Camp Aguinaldo, kundi man ang “big boss;”
    Pati ang iba pa, na posibleng sangkot,
    Sa napabalitang “gunrunning” sa loob.

    Kaya, hayan namihasa ng tuluyan
    Itong tumabo ng milyones sa ganyan;
    At nitong huli ay Ampatuan naman
    Ang naging kliyente n’yan ng maramihan.

    At di mahihinang kalibre ng armas
    Itong sa “armory” natin nakulimbat
    Ng kung sinu-sino r’yang magkakasabwat
    Na honorable pa manding matatawag.

    Kung totoong ayon sa palatandaan
    Na nakita nitong mga naka-hukay
    Ay malinaw base sa “serial numbers” n’yan,
    Kung kanino naka-isyu ang alin man,

    Madali na nating posibleng matunton
    Ang nagbenta nito sa kung anong paksyon,
    Kaya sa puntong yan igigisa ngayon
    Itong kung sino ang inisyuhan noon.

    At sana kung sino man itong Pilato
    Na may kagagawan ng (business) na ito,
    Ay malapatan ng tamang pagkastigo
    At maipakulong ng rehimeng Arroyo;

    Yan ay kung talagang walang kinalaman
    Ang administrasyon sa pangyayaring yan,
    Na di biro-birong bilang ng armas d’yan
    Ang napasakamay ng mga Ampatuan.

    Na kung saan kahit ilang batalyon pa
    Ng mga sundalo ay ma-armasan na
    Sa dami ng baril saka mga bala
    Na puedeng isabak sa malaking gyera!

    Na kataka-takang hindi malalaman
    Nitong nakatira d’yan sa Malakanyang,
    Na siyang “Commander-in-Chief” ng Sandatahang
    Lakas, at lahat ng “armed forces” natin diyan!

    Kaya marapat lang sa puntong nasabi
    Na maging tapat ang ating Presidente
    Sa kanyang salitang makukulong pati
    Ang lahat ng “involved” d’yan sa military;

    Na mapatunayang nagbenta ng armas
    Sa hinihinalang pasimuno’t lahat
    Ng pananambang at pagpatay at sukat
    Sa mga sibilyan at mamamahayag;
    (At sana’y di “justice delayed, justice denied”
    Ang umiral – upang magdusa ang dapat!) 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here