Benepisyo para sa mga beterano

    991
    0
    SHARE
    Matapos ang mahigit 60 taon, pinirmahan ang American Recovery and Reinvestment Act noong Pebrero 18 na magbibigay sa mga Pilipinong beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ng lump sum na $15,000 para sa mga US citizens, at $9,000 para sa mga non-US citizens.

    Aabot sa $198-Million ang kabuuang halaga na ibibigay sa mg beterano na bahagi ng $787-Billion stimulus package na nilagdaan ni US President Barack Obama.



    Pero ang tanong, ilang beteranong Pinoy makikinabang sa nasabing benepisyo?

    Ito ay dahil sa marami sa kanila ay nasa “pre-departure area” na o malapit nang sumalangit.



    Marami na ang mga beteranong sumakabilang buhay bago pa man pagtibayin ang nasabing benepisyo.

    Kabilang sa kanila ang aking ama, mga lolo at mga tiyuhin.



    Natatandaan ko pa ang mga kuwento ng aking mga lolo hinggil sa kanilang pakikipaglaban sa mga sundalong Hapones na ang ilan ay mga Koreano, dahil bago lusubin ng mga Hapon ang Pilipinas, ay mas nauna nilang nasakop ang South Korea kaya’t ang mga kalalakihan doon ay ginamit nilang sundalo (kinupirma naman ito ng kaklase kong Koreano sa North Park University and Tehological Seminary na ang lolo ay namatay sa Pilipinas sa panahon ng digmaan).

    Ayon sa aking lolo Angeles Cruz, na siyang nakababatang kapatid ng aking Lola Oliva, iniiwasan siya ng bala sa panahon ng kanyang pakikipaglaban sa mga sundalong Hapon.



    Ito ay dahil sa mayroon siyang agimat at mga orasyon.

    Isang halimbawa niya ay noong nadakip siya sa bayan ng Calumpit at itinakdang pugutan kinabukasan.  Ngunit kinagabihan ay nakatakas siya dahil sa lumuwag ang tali niya sa kamay matapos usalin ang kaniyang orasyon.



    Ayon sa aking lolo, pupugutan siya kinabukasan, kayat nong gabing iyon ay hiniling niya sa mga Hapon sa pamamagitan ng ‘makapiling’ Pinoy na bigyan siya ng pagkakataon na maka-ihi sa palikuran.

    Kinalas ng mga sundaloa ng kanyang tali at sinamahan siya sa palikuran. Bago muling igapos, inusal niya ang kanyang orasyon, kaya’t ilang minuto lamang matapos siyang muling igapos ay lumuwag ang mga lubid.



    Bilang isa sa mga lider ng gerilya sa Calumpit, si Lolo Angeles Cruz ay nagsilbing alkalde ng Calumpit sa loob ng tatlong araw. Ito ay matapos nilang mapasok ang munisipyo at maagaw sa mga kamay ng alkaldeng inuupo ng mga hapon.

    Bilang isang makata at mahusay na orador, si Lolo Angeles ay naging malapit na kaibigan ng pumanaw nang si Ka Luis Taruc.  Dekada 80 pa lamang ay yumao na ang lolo ko.



    Isa namang kasapi ng Philippine Scout ang aking Lolo Elias Balabbo na nagmula sa Isabela kaya may ekstrang letrang ”b” ang kanyang apelyido, na tinanggal naman ng aking ama ng kumuha siya ng birth certificate matapos ang giyera. Nasunog kasi ang mga rekord nila ng masunog ang munisipyo ng Calumpit sa panahon ng giyera.

    Yumao si Lolo Elias sa panahon ng digmaan kasunod ng aking Lola Oliva, kaya’t hindi na inabutan ng benepisyo.



    Bilang isang kabataan sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, nagsilbi namang espiya ng mga gerilya ang aking ama na si Marcelo Balabo.

    Ngunit hindi na rin umabot sa kanya ang benepisyo dahil noong 2004 ay yumao na rin siya.



    Nagsilbi namang bangkero ng mga sugatang sundalo at pamilyang nagsisilikas mula sa Bataan ang ama ng aking ina na si Lolo Tomas Macalinao Bautista sa panahon ng digmaan.

    Batay sa kanyang mga kuwentong aking narinig noon, tinatawid ni Lolo Tomas kung gabi ang Manila Bay mula Hagonoy hanggang Bataan gamit ang bangkang de-sagwan.



    Hindi iilan ang natulungang mailikas ni Lolo Tomas at mga kasama niya mula sa Bataan patungo sa Hagonoy noong panahong iyon.

    Ang kanilang tulong sa paglilikas sa mga pamilya at sundalo at mula sa Bataan ay kinikilala pa rin hanggang ngayon ng mga nabubuhay na kaanak ng kanilang nailikas.



    Ito ay napatunayan ko ng minsang ako ay magtungo sa Bataan. Nang malaman ng aking mga kausap na ako ay nagmula sa bayan ng Hagonoy ay ikinuwento nila ang ginawang tulong ng aking mga kababayan, kabilang doon ang lolo ko, sa kanilang mga kaanak.

    Hindi man nakatanggap ng benepisyo ang aking mga lolo at kaanak sa kanilang paglilingkod sa panahon ng digmaan, ngunit ang kabutihan kanilang itinanim sa panahong iyon ng kagipitan ay patuloy na kinikilala ng mga kaanak ng mga taong kanilang natulungan.

    Ang totoo, ang hindi pagkatanggap ng benepisyo sa paglilingkod sa bayan ang problema ng maraming beterano ngayon. Sa halip ay ang tuluyang mabaon sa limot ang kanilang mga sakripisyo.

    Nakikipaghabulan sa oras ang mga beterano at ang bayan, hindi dahil sa pinansiyal na benepisyo, sa halip ay upang maitala o maisulat ang kanilang kontribusyon upang hindi malilimutan ang kanilang mga nagawa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here