Home Headlines Beinte pesos isang kilo, maipatupad ni Pangulo?

Beinte pesos isang kilo, maipatupad ni Pangulo?

559
0
SHARE

KUNG magiging beinte pesos ang isang kilo ng bigas
Sa’ting mga kababayan ay magdudulot ng galak
Hindi lamang sa hanay ng mamamayang mahihirap
Kundi pati sa iba pang ang kabuhayan ay sapat
Subalit kung isipin ay imposibleng maipatupad
Ang tulad sa panaginip ni Ka Edong mapangarap.

Kung ang bigas ay gagawing bente pesos isang kilo
Ang bentahan ng palay ay tiyak bababa ang presyo
Dahil ang tanging paraan para maisagawa ito,
Dapat ang por kilo nito ay halagang limang piso;
Sino riyang magsasaka ang papayag sa ganito?
Kung meron man ay baka ‘yong maluwag na kung ano.

At malamang itong mga malawak ang pag-iisip
Sila’y magtatanim na lang riyan ng pakwan at mais
O kaya nang katulad ng talong sitaw at kamatis
At ng iba pang pananim sa kanilang mga bukid,
Kapag ito ang nangyari ay lalo lamang liliit
Ang produksiyon ng palay ng ating mga magbubukid.

Ang presyo ng NFA rice, sa merkado o palengke
Sa datos nating nakalap, isang kilo’y beinte siyete;
Kahit mura ang halaga, di gaanong nabibile
Pagkat ang amoy at lasa, ay ulalo ng kamote
At para malunok dapat ang ulam natin ay karne.
Tulad ng litson kawali, adobo at kare-kare.

Ang balita na ang bigas gagawin ngang beinte pesos
Ipinangako ng bagong pangulong si Bongbong Marcos,
Kapag ito ay natupad ay tiyak na malulubos
Ligaya ng mamamayang sa kabuhayan hikakos,
Kumakalam na sikmurang sa gutom ay nagpupuyos,
Giginhawa rin sa wakas, at sa tuwina’y mabubusog

Matutupad din pati na ang pangako ng pangulo
Na magiging beinte pesos nga ang bigas kada kilo.
Kung ang binhi, ‘fertilizer’ at pamatay ng insekto
Na gamit sa pagsasaka’y sasagutin ng gobyerno;
Ang gagawin na lamang ng magsasaka’y magtrabaho
Nang sa gayon yaong ani ay mapababa ang presyo.

Kapag ito ang nangyari ay hindi na magbebenta
Ng lupa ang anak-pawis na kanilang sinasaka,
Na mapaunlad ang buhay, na nais na matamasa.

Lahat sila’y mabibigyan ng panibagong pag-asa
Ang pangako ng pangulo, harinawa’y tuparin niya
Sapagkat ang sambayanang Pilipino’y umaasa.

Ngunit kapag di natupad, itong kanyang pinangakô
Marami ang magdaramdam sa labis na pagkabigô,
Lalo na ang nagtiwala, na sa kanya ay nag-upô
Bilang pinakamataas, na sa bansa’y mamumunô
Iisipin marahil ng iba sila ay nautô,
Sa binitiwang salita na nagsilbing panggogoyô…

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here