Walang katao-tao sa dalampasigan sa tabi ng saradong beach resort sa Bagac. Tanging huni ng mga alon ang maririnig. Kuha ni Ernie Esconde
BAGAC, Bataan — Ang bayang ito na malapit sa West Philippines Sea ay dinarayo dahil sa magagandang beach resorts nguni’t tatlo pa lamang sa mahigit 30 resort dito ang bukas na matapos magsarado nang magsimula ang pandemya ng coronavirus disease.
Sinabi ni Nicanor Ancheta, Bagac municipal administrator, na nitong Lunes pinahintulutan pa lamang na muling mag-operate ay ang malalaking resort na La Jolla, Montemar, at Las Casas Filipinas de Acuzar.
“Mga gated resorts ito na madaling kontrolin ang come–and–go ng mga tao,” sabi ng municipal administrator.
Ang iba, aniya, ay bubuksan upon compliance ng mga requirements ng Tourism department, inter-agency task force on Covid–19 at ng munisipyo.
Sa tanong kung magkano ang nawala sa tourism industry ng Bagac, sagot ni Ancheta: “Malaki, dahil halos buong tourism period, buong summer, nawala ang income ng munisipyo. Several millions of pesos yong nawala.”
Ito rin ang naging sagot ni konsehal Ver Alonzo, sangguniang bayan committee on tourism chair: “Malaki ang nawala sa tourism sector, milyon-milyong piso na ang nalugi sa mga resort. Kailangang buksan ulit para sa ganoon makabawi sila o ang bayan ng Bagac sa pagkakalugi.”
Ayon sa konsehal, kailangang buksan ang mga negosyo sa Bagac para may pagkakitaan ang mga tao at ito ang plano ng local government unit.
“Bubuksan namin ang ekonomiya ng Bagac, magbubukas ang mga resorts pero kinakailangang sumailalim sa mahigpit na protocol para masiguro na ligtas ang mga kababayan natin dito,” sabi ni Alonzo.
Kinumpirma ng konsehal na may ilan na ngang nagbukas na resort matapos dumaan sa mahigit na protocol. Zero na, aniya, ang aktibong kaso ng Covid-19 sa Bagac at ito ang gusto nilang mapanatili.
Humingi ng paumanhin si Alonzo sa mga palagiang bisita ng mga beach resort na huwag mainip at mag-ooperate din ang iba pang mga resort.
“Hindi natin siyempre isasakripisyo ang kalusugan ng mga mamamayan,” pagdidiin nito.
Tahimik na tahimik ang mga resort na nakahanay sa Barangay Pag-asa. Walang katao-tao. Ang hampas ng mga alon sa tabi ng mahabang dalampasigan ang tanging maririnig. Bakante ang mga cottages.