Di ko ninanais saktan ang damdamin
ng nakararaming ‘public servant’ natin
sa isyung marapat mabigyan ng pansin
na may koneksyon sa kanilang tungkulin.
Partikular itong ‘elected officials’
na siyang unang dapat paalalahanan
sa obligasyon n’yan na sila rin naman
ang humingi kaya natin inihalal.
Pero nitong sila ay nakapuesto na
at kinakailangang harapin na nila
ang tungkuling dapat gampanan sa masa
ay hindi na natin makapa ang iba
Sa tamang tanggapan na kung saan dapat
sila ay naroon na sa tamang oras,
na itinakda riyan ng Saligang Batas
para sa ‘mandated’ nilang ‘office hours’.
Subali’t dala nga ng nakasanayan
ng ibang ‘elected’ na lokal opisyal,
na kahit madalas na sila’y lumiban
sa ‘official duty’ nila ay wala lang
At sila ay hindi maaring pukpukin
basta ng kung sino o kaya sitahin
ng ka-level lang sa hawak ng tungkulin,
eh sino ang dapat kumastigo mandin?
Si Mayor, kung ito ay isang Konsehal?
O ang Gobernador kung SP Member yan?
At mga ‘Speakers’ ng ating dalawang
sangay ng batasan kung mga Solons yan?
Upang ang pagiging iresponsable nitong
ibang public servants ay medyo maputol;
At malapatan ng kaukulang aksyon
ang ganyang ‘practices’ sa tamang panahon.
Hihingi-hingi ng tungkuling marapat
gampanan, pero ang responsibilidad
na maa-atang sa kanilang balikat,
sakali’t mahalal di kaya ang bigat.
Batid kaya nilang ang panunungkulan
ay di basta naka-upo sa tanggapan?
At pagsapit ng akinse’t katapusan
ay may sahod kahit di nagpagod man lang?
Ya’y walang iniwan din sa pagnanakaw
para sa ganang sarili kong pananaw;
At ‘views and opinion’ na maaring saklaw
nitong kung tawagin natin ay ‘rule of law?’
Tulad halimbawa sa regular session
nitong magagaling nating mga Solon,
Board members, vice mayors at mga councilors,
ya’y di ba’t isa nang uring pandarambong?
Kung sa kabila nang di nila pagpasok
sa tanggapan nila pero sinasahod
ang kanilang sueldo, gayong hindi halos
sa oras ng ‘session’ unabis sumipot?
Kaya nga’t kung ganyang ang nakasanayan
ng nakararaming nasa katungkulan
ay magpapatuloy sa sitemang iyan,
kailan uunlad ang ating Inangbayan?
O ya’y bunsod na rin ng kung sinong dapat
tularan at maging ehemplo sa lahat
ng mabuting gawa at karapatdapat,
ay siyang kawatan at hari ng corrupt?
Gaya na lang nitong ating magagaling
na nakatataas na opisyal mandin,
pero sila-sila ang sa malalaking
isyu ng nakawan ang utak marahil!