BAGAC, Bataan: Isang panukalang batas na magtatatag ng isang mataas na paaralan para sa sports na tatawaging Bataan High School for Sports na itatayo sa bayang ito ay aprubado na.
Ang panukalang batas ay isinulong ni Congresswoman Maria Angela Garcia ng ikatlong distrito ng Bataan.
Ang batas ay nasa ilalim ng Republic Act No. 12239 o “An Act Establishing a High School for Sports in the Municipality of Bagac, Province of Bataan to be known as the Bataan High School for Sports, and Appropriating Funds Thereof.”
Ito ay opisyal na inaprubahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sinabi ni Congresswoman Garcia na ito’y kaugnay ng kanyang adhikaing mapalawak ang itinataguyod na serbisyong pang-edukasyon at maisulong ang paglago at pag-unlad ng mga kabataang atleta sa bansa.
“Ang pagtatatag ng nasabing paaralan ay may layong linangin ang talento at kakayahan ng mga kabataang may malaking potensyal sa larangan ng sports,” paliwanag ni Garcia.
Ang high school for sports ay may sama-samang general secondary curriculum, special curriculum on sports at specialized training programs sa adhikaing magkaroon ng de-kalidad na edukasyon.
Magkakaroon din, ani Garcia, ng masinsinang pagsasanay ang bawat mag-aaral na maghahanda sa kanila para sa magagandang oportunidad tulad ng paglahok sa mga lokal at internasyonal na paligsahan sa sports.
Itinuturing ng kongresista na isang mahalagang hakbang ang pagsasabatas ng panukala tungo sa katuparan ng layuning binanggit sa State of the Nation Address ng Pangulong Marcos na pagbibigay ng suporta sa mga palaro at atleta sa buong bansa at pagbuo ng mga bagong programa para sa sports development.
Pinasalamatan ni Garcia ang Pangulong Marcos gayon din sina Sen. Win Gatchalian, ang Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Rep. Roman T. Romulo na House Chairperson ng Committee on Basic Education and Culture, at Dr. Carol Violeta, Schools Division Superintendent ng Department of Education Schools Divisions Office of Bataan, para sa kanilang suporta sa pagsusulong ng batas na ito.
Unang ipinanukala ito sa 18th congress ng noo’y 2nd district Congressman Jose Enrique Garcia III na ngayon ay governor, at isinulong naman ng congresswoman sa 19th congress.