Home Headlines Bataan Gov: Huwag sumuko sa panibagong digmaan

Bataan Gov: Huwag sumuko sa panibagong digmaan

620
0
SHARE

Bataan Gov. Albert Garcia



LUNGSOD NG
BALANGA Nanawagan si Gov. Albert Garcia ngayong Sabado, sa isang virtual message sa ika-123 Araw ng Kalayaan, na huwag sumuko sa bagong digmaan na kinakaharap ng bansa at ng buong daigdig.

Huwag tayong susuko. Naniniwala akong nasa huling yugto na ang labang ito at ang bakuna kontra coronavirus disease 2019 ang huling linya ng depensang makapagbibigay ng lubos na kalayaan sa atin laban sa mapaminsalang galamay ng virus,” panawagan ng governor.

Sa pagdiriwang sa araw na ito, aniya, hindi maiiwasang maihalintulad ang sitwasyon ng pandemyang kinakaharap ng bansa sa dinanas ng ating mga ninuno noong panahon ng digmaan.

Sinabi ni Garcia na magkaiba man ang itinuturing na kalaban, ang parehong karanasan ay giyerang iisa sa layuning palugmukin ang ating kinabukasan, kumitil ng buhay at siilin ang karapatan at kalayaang pantao.

Ang katapangang ipinakita ng mga bayaning Pilipinong lumaban sa pagmamalupit ng mga dayuhan noong 1898 ay nanaig kaya’t umasa tayong kaya rin nating mapagtagumpayan ang hamon ng Covid-19 ngayon,” pahayag ng governor.

Ang Pilipino, noon man at ngayon, ani Garcia, ay may angking talino, lakas ng loob, katatagan at kabayanihan tulad ng pagpupunyagi upang bumangon at lumaban hanggang mapuksa ang salot na virus sa ating lipunan.

Lubhang makapangyarihan ang pagkakaisa dahil kaakibat nito ang pag-asa,” sabi nito.

Sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Covid19 sa lalawigan, hindi, aniya, tumitigil ang  pamahalaan sa pag-iisip at pagpapatupad ng mga kaparaanan upang mapigil ang pagkalat ng impeksyon sa pamayanan at mabigyan ng proteksyon ang bawat Bataeño.

Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang mahusay na vaccination program bukod pa sa mga naunang programang isinulong para paigtingin ang pagpapatupad ng minimum health protocol, checkpoints, testing, contact-tracing at pagbibigay ng mga quarantine at isolation facilities.

Ipinagmalaki ng governor na mahusay at efficient ang cold chain facility ng lalawigan na kung saan maaaring mag-imbak ng kahit anong brand ng bakunang darating.

Bukod umano sa supply mula sa national government, ang lalawigan ay nag-angkat na rin ng karagdagang bakuna upang saluhin ang maaaring maging kakulangan nito.

Sa ngayon ay may 17 vaccination sites na ang naitayo sa buong lalawigan at inaasahang madaragdagan pa ito sa iba’t-ibang bayan para sa mas mabilis at mas maginhawang vaccine roll-out, sabi ng governor.

Layunin nating marating ang tinatawag na herd immunity bago matapos ang taong ito kung saan magiging ganap ang kaligtasan ng lahat matapos mabakunahan ang mahigit sa 70 porsiyento ng ating populasyon. Naniniwala akong ito ay posible at kaya nating maabot sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng lahat,” pagwawakas ni Garcia.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here