Home Headlines Bataan Capitol sarado para sa disinfection, 2 kawani Covid-positive

Bataan Capitol sarado para sa disinfection, 2 kawani Covid-positive

1005
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA —  Pansamantalang itinigil ngayong Huwebes ang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan sa Bataan Capitol upang mabigyang-daan ang disinfection matapos mag-positive sa coronavirus disease ang dalawang kawani.

Iniutos ni Gov. Albert Garcia ang malawakang disinfection sa Bunker Building, bagong tanggapan ng provincial government, at sa lahat ng mga tanggapan sa Capitol compound sa lungsod na ito.

Kasabay ng disinfection, magsasagawa rin ng RT-PCR sa lahat ng naging close contact ng dalawang kawani na kasama sa dumalo sa isang religious gathering noong ika-19 ng Hulyo.

Ang dalawa ay kabilang sa 29 na bagong kumpirmadong kaso ng Covid19 na lumabas ang resulta ng test noong Martes. Sa bilang na ito, 16 ang dumalo sa nabanggit na religious service sa isang hotel sa lungsod na ito.

Batay sa bagong report ng provincial health office, 344 na ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid19 sa Bataan na ang 95 ay aktibong kaso o mga pasyenteng hindi pa gumagaling. May nakarekober na 238 at nananatiling 11 ang bilang ng mga nasawi.

Kaugnay ng tumataas na bilang ng mga nagpositibo sa Covid19, ang hakbang na ito ay naglalayong bigyan ng proteksiyon ang lahat ng mga kawani na siyang nangangasiwa sa mga programa at serbisyo-publiko ng ating pamahalaang panlalawigan,” sabi ng governor.

Dahil pista opisyal sa Biyernes kaugnay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha ng mga Muslim, sa Lunes na muling magbubukas ang mga tanggapan sa kapitolyo.

Samantala, sinabi ng governor, na maaari pa rin mag-apply para sa financial assistance online. Ipadala lang umano ang aplikasyon at mga dokumento sa email address na: Pswdo@bataan.gov.ph.

Manatili lamang po tayo sa ating mga tahanan at ibayong pag-iingat. Maraming salamat po sa inyong patuloy na pakikiisa at pagpalain nawa tayo ng ating Panginoon,” sabi ni Garcia.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here