Home Headlines Barangay sasailalim sa 24-hour lockdown

Barangay sasailalim sa 24-hour lockdown

238
0
SHARE

ABUCAY, Bataan — Nakatakdang isailalim sa 24 oras na lockdown sa loob ng pitong araw ang ilang bahagi ng isang barangay dito dahil sa paglobo ng kaso ng coronavirus disease na nakuha umano sa isang religious gathering.

Ito ang sinabi ngayong Sabado ni kagawad Jesus Navarro, barangay coronavirus task force chairman ng Calaylayan, Abucay.

Ang partial lockdown, ani Navarro, ay magsisimula sa Martes, ika-4 ng Agosto hanggang ika-11 ng buwan ding ito.

Kabilang, aniya, sa mga ilolockdown ay Sitio Kabukiran, Las Vegas, Sitio Magdalo, Friendship Village, Mina Subdivision, Faith Village, Yumol Subdivision, Bonifacio Village, at Magtanong kung saan halos 700 pamilya ang apektado.

Sa tanong kung bakit ilolockdown, sagot ni Navarro kasi ang biglang pagdami ng apektado ng Covid-19 dahil ang sabi nila nanggaling ito sa worship gathering, may isa pala na carrier sa dumalo kaya doon nahawa ang karamihan ng dumalo.

Sinabi ng kagawad na tatlong pamilya ang naapektuhan na binubuo ng 11 tao na pawang na-swab na at nadala na sa ospital. Agad umanong na-trace ang mga pamilyang dumalo sa religious service na apektado ng virus.

“Naghahanda na kami, ilang araw na kaming nagmimiting, inaayos namin yong sa health, tapos ang mga kapulisan kausap na namin kahit mga barangay tanod namin handa na pati ang sangguniang barangay sa lockdown, sabi ni Navarro.

Tungkol sa relief goods, ang municipal disaster riskreduction management office ng Abucay ang bahala umano sa pamimigay ng pagkain sa mga apektadong residente.

“Sa lockdown, ang mga tao hindi na puwedeng lumabas, ngayon ang mga essential na bibilhin o kaya may dadalhin sa ospital, may emergency ay bibigyang daan, palalabasin sa checkpoint, sabi ng kagawad.

Nakausap na umano nila ang mga dapat kausapin tulad ng mga kooperatiba at naunawaan na ng mga ito ang dapat gawin, na ang empleyado na papasok ay kailangang magpakita ng medical certificate.

Sinabi ni Navarro na ang mga tricycle ay hindi na maaaring pumasok sa mga apektado ng partial lockdown at ang mga residente ay hindi na puwedeng mamalengke para maiwasan umano ang paglabas at pagpasok ng mga tao.

Diniinan ng kagawad na 24 oras ang partial lockdown dahil may mga barangay tanod at pulis na nakabantay sa mga checkpoint.

“Hinihiling lamang namin sa aming mga kababayan na lahat kami ay sumunod sa mga guidelines ng Department of Health na ibinababa maging ang Department of the Interior and Local Government. Mga protocol na kung saan lagi magsuot ng face mask, ang mga bata huwag palalabasin at mga senior citizen maging ang mga buntis, panawagan ni Navarro.

“Kailangan matuto tayong sumunod sa mga ibinababang guidelines upang maiwasan ang pagkalat pa ng coronavirus na ito. At higit sa lahat, mag-ingat at ang social distancing ay kailangan para huwag ng dumami ang mga kaso, dagdag pa nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here