CALUMPIT, Bulacan—Nagdeklara na ng state of calamity sa Barangay Meysulao sa bayang ito upang tulungan ang may 200 kataong apektado ng food poisoning noong Sabado.
Kaugnay nito, isang medical mission ang isinagawa ng pamahalaang bayan, samantalang ipinaalala ng tanggapan ng kalusugan sa mga residente na pakuluan ang tubig na inumin hangga’t hindi pa lumalabas ang resulta ng water testing sa mga tubig na kinulekta noong Lunes.
Nag-utos naman si Gob. Wilhelmino Alvarado na ilipat sa mga pagamutan sa Bulacan ang mga pasyenteng dinala sa Macabebe Hospital sa Pampanga.
Ayon kay Roland Ramos, kapitan ng Barangay Meysulao, idineklara ng Sangguniang Bayan ng Calumpit ang state of calamity sa kanilang barangay upang matulungan ang mga biktima.
Bukod dito, pinangunahan naman ni Mayor James De Jesus ang isang medical mission sa nasabing barangay kahapon.
Batay sa tala ng Provincial Public Health Office (PPHO), umabot sa 196 katao ang apektado ng food poisoning noong Sabado.
Sinabi ni Dr. Joycelyn Gomez ng PPHO na 125 sa mga biktima ang naisugod mga pagamutan sa Bulacan at Pampanga.
“Most of them were already discharged, but some returned to the hospitals after the initial treatment,” ani Gomez at iginiit na karaniwan sa biktima ay nagkasakit ng gastroenteritis, nilagnat, nahilo at nagsuka.