Ang Panunuluyan bago ang Misa. Kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan — Dinagsa ng maraming mananampalataya ang mga simbahan sa Bataan at dumalo sa Banal na Misa sa Noche Buena bago maghating-gabi ng Biyernes, bisperas ng Pasko.
Ang Iglesia Filipina Independiente o Aglipay Church sa bayan ng Samal ay punuan ang mga markadong upuan sa loob ng simbahan na pinapahintulutang gamitin bilang pag-alinsunod sa social distancing.
Maraming tao maging hanggang sa labas ng simbahan na nasa ilalim ng Parokya ni St. Catherine of Siena.
Bago simulan ang Banal na Misa, nagsayaw ang mga batang nakaputi na tila mga anghel bilang pagbubunyi sa nalalapit na pagsilang ni Hesus.
Nagsagawa rin ng “Panuluyan” ang ilang kabataan bilang paggunita sa hirap na dinanas ng mag-asawang Birheng Maria at San Jose sa paghahanap ng matutuluyan.
Sa kanyang homily, sinabi ni Fr. Roderick Miranda, IFI – Samal parish priest, na higit na kailangang ipagdiwang ngayon nang may kagalakan ang pagsilang ng Panginoon.
“Ipinapaalaala sa atin na ang Pasko kailanman sa gitna ng ating mga pinagdaraanan ay hindi tayo iniwan at pinabayaan ng Diyos. Na kailanman ay kapiling natin ang Panginoon na kahit na sa pinakamasakit na nangyari sa ating panahon ay hindi tayo kailanman pinabayaan,” sabi ng butihing pari.
Ilang oras bago ang Banal na Misa, nagsagawa ng “Panuluyan” ang ilang piling kabataan ng IFI sa labas ng simbahan.
Sa ilang piling bahay, isinadula sa pamamagitan ng awit ang hirap na dinanas ng mag-asawang Birheng Maria at San Jose sa paghahanap ng bahay na matutuluyan upang isilang ang Panginoong Hesucristo.
Sa bawat bahay na lapitan at sumasamo, ipinagtatabuyan ang mag-asawa na walang magawa kundi umalis at magtiis sa pang-aalipusta.
Walang gustong tumanggap sa kanila kaya napilitan ang mag-asawa tulad nang itinakda na sa isang sabsaban ng mga hayop isisilang si Hesus.