Balagtas Interchange pasisinayaan ng MNTC

    419
    0
    SHARE

    Ito ang Balagtas Interchange na nakatakdang pasinayaan ng Manila North Tollways Corporation sa Marso 20. Ginugulan ito ng MNTC ng halagang P100-milyon. Ang larawang ito ay kuha noong Abril 30, 2011.

    Kuha ni Dino Balabo

    LUNGSOD NG MALOLOS – Handa na ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) para pasinayaan ang Balagtas Interchange sa Bulacan sa Marso 20.

    Ang pagbubukas ng interchange ay inaasahang magpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Sta. Rita toll plaza sa North Luzon Expressway (NLEX); at higit na magpapaunlad sa mga bayan sa silangan ng Bulacan at Gitnang Luzon.

    Ito ay dahil sa ang Balagtas Interchange ay magsisilbing panibagong daan para sa mga sasakyang nagmumula at nagtutungo sa silangang Gitna at Hilagang Luzon, at dumadaan sa 84-kilometrong NLEX.

    Ayon kay Marlene Ochoa, ang vice president for corporate communications ng MNTC, ang Balagtas interchange ay bahagi lamang ng 6-kilomentrong Plaridel bypass road project.

    Ang Plaridel by-pass road project ay bahagi naman ng 24-kilometrong arterial road project  na pinangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

    Ang nasabing 24-kilometer arterial road project ay mag-uugnay sa NLEX sa Barangay Maasim, San Rafael Bulacan. Ito ay pinondohan ng Malakanyang ng halagang P3 bilyon.

    Hindi pa natatapos ang kabuuan ang arterial road project, sa halip ay anim na kilometro pa lamang ang natatapos.

    Gayunpaman, sinabi ni Mayor Lorna Silverio ng San Rafael na kasalukuyang tinutukoy ng DPWH ang mga loteng dadaanan ng proyekto sa bayan ng San Rafael.

    “Baka in two years matapos na iyan, kaya bibilis ang biyahe from San Rafael to Quezon City; mga 30 minutes na lang,” ani Silverio.

    Iginiit din niya na ang proyekto ay higit na magpapaunlad sa kalakalan sa kaniayng bayan at mga kalapit na bayan.

    Noong nakaraang taon, sinabi ni Silverio, umabot sa P500-milyon ang kabuuang puhunan na ibinuhos ng mga negosyante sa San Rafael.

    Hinggil pa rin sa konstruksyon ng arterial road project sa kanyang bayan, sinabi ng alkalde na nagpahayag ng interes ang MNTC na pondohan ito.

    Inayunan naman ito ni Rodrigo Franco, ang pangulo at CEO ng MNTC.

    Ayon kay Franco, kung papaya ang Malakanyang, nakahanda ang MNTC na pondohan ang konstruksyon ng nalalabing bahagi ng arterial road project.

    Matatandaan na ang nasabig proyekto ay pinondohan ng P3-bilyon ng administrasyong Arroyo may tatlong taon na ang nakakaraan.

    Ito ay sa pagsisikap ni Silverio na noo’y nagsisilbing kongresista ng ikatlong distrito ng Bulacan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here