Kailan man at tuwing bago maghalalan
Ay maraming bagay ang kapunapunang
Mapapansin natin sa kapaligiran,
Partikular na sa mga ‘public servants’
Isa riyan ang sila’y biglang bumabait
At palabati ang dati ay masungit,
Palibhasa’y nagnanais makabalik
Bilang opisyal sa isang ‘public office’
Ang payakap-yakap at pakamay-kamay
Sa mga botante ay muling iiral;
Minsan, di man kayo magkakilala n’yan
Ay sagad taynga kung ikaw ay ngitian.
Yan ay itong mga kasalukuyan pa
Na nangakaupo sa tanggapan nila,
Na kahit di dating masuyo sa masa
Madali na ngayong lapitan kumbaga.
At ito namang di mo halos madatnan
Sa tanggapan nila nitong nakaraan,
Sumipot na mula nang makapag-file yan
Ng COC para laging makita yan.
Alalaon baga, kung pakapansinin
Natin ang ganitong klase ng gawain
Nitong ibang halal na opisyal natin,
Yan ay panggogoyo na lamang marahil
At di matapat at sinserong serbisyo
Ang hangarin sa muling paghabol nito,
Kundi ng para lang sa sarili mismo
Kung kaya lamang yan kumakandidato
Sana naman mula sa mga baguhan
Na nangangako ng pagbabago riyan,
Palarin na tayong makatagpo man lang
Ng mga katulad ni Oca at ‘Nanay’
(Na talaga namang sa husay at galing
Sa panunungkulan ay maituturing
Ng leyenda r’yan ng pinakamabuting
Naging opisyales ng gobyerno natin).
At di kagaya r’yan ng nakararami
Na nangangako ng mga pagbubuti,
Pero pagka-upo – una ang sarili
Bago ang marapat nilang ipagsilbi
Para sa bayan at mga mamamayan,
Na siyang unang dapat nilang paglingkuran;
Kaya bandang huli… ni katiting walang
Natupad sa anong ipinangako n’yan
Hanggang sa sumapit muli ang eleksyon
At ito’y pamuli na namang hahabol
At mangangako ng mga pagbabagong
Kagaya ng kanyang pinangako noon.
Tayo ba naman ay muling padadala
Sa ganitong klase nilang pambobola?
Marahil ang tamang sagot sa kanila,
Kapag lumapit ay “Tama na, Sobra na!”
At ang kasagutan naman sa masipag
Na sadyang subok na’t kilalang matapat
Ay masuyong ngiti na may halong galak,
Kasunod ng sabing “panalo kang tiyak”!
Ilang tulog na lang ay Bagong Taon na
At limang buwan na lang pihong eleksyon na,
Kaya ngayon pa lang ay paghandaan na
Natin kabayan ang nabanggit sa una;
Kaugnay ng pagdatal ng Bagong Taon,
(At ng nalalapit po nating eleksyon,)
Buong kagalakan nating isalubong
Ang salitang: “Bagong Taon, Bagong Hamon!”