Bagong Lakan at Lakambini ng Bulacan 2010, kinilala na

    579
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Nakabibighaning dilag mula sa bayan ng Baliwag at makisig na binata mula sa Bustos ang mga nagwagi sa katatapos na patimpalak na Lakan at Lakambini ng Bulacan 2010 na ginanap noong Sabado ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.

    Namayagpag ang galing nina Mary Denisse Toribio and G. Mark Angelo Lopez laban sa mga katunggali mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan sa maraming kategorya sa nasabing prestihiyosong patimpalak.

    Tumanggap ang mga nagwagi ng P20,000 cash incentive, tropeo, at sertipiko, bukod pa sa mga special award tulad ng Best in Formal Wear at Mendez Medical Group Award.

    Sinabi ng bagong Lakambini na si Toribio na sa pagkakapanalo, sisikapin niyang maging modelo para sa mga kabataan upang harapin ang bawat hamon ng buhay at makamit ang minimithing pangarap.

    Pinarangalan din ang mga runners-up na sina Mark Joseph Gavino ng Calumpit at Vianca Louise Marcelo ng Bocaue –first runner up, John Carlo Pahati ng Paombong at Rhi-Anne Aranas ng Obando- second runner up, John Patrick Palmario ng Bocaue at Ronalyn Raymundo ng Bulakan- third runner up, at  Jan Rommel Roberto at Shaira Lenn Roberto ng Pulilan- fourth runner up.

    Ang muling pagbabalik ng Lakan at Lakambini ngayong taon, na nagtatampok sa angking ganda at kahusayan ng mga Bulakenyo, ay naghuhudyat ng ika-14 taon na rin ng paghahanap sa mga magiging ambassador ng kagandahang asal.

    Inorganisa ito ng Bulacan Tourism Council (BTC) sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at mga fashion organization at itinuturing na isa sa mga pinaka-aabangang gawain sa Singkaban Fiesta.

    Ayon kay Joe Clemente, pangulo ng BTC, nagbubukas ito ng mas malaking oportunidad sa mga kabataan lalo’t itinuturing na rin ang modeling bilang isang industriya.

    “Isa itong paraan upang maipakita at maipagmalaki hindi lang ang ganda ng panlabas na kaanyuan kundi maging ang galing at ugali ng mga Bulakenyo,” dagdag pa niya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here