Baboy mula sa Bulacan ligtas kainin

    505
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY, Bulacan – Sa kabila ng natuklasang sakit ng mga baboy na kung tawagin ay ebola reston virus ay ligtas daw kainin ang mga karne ng baboy na magmumula sa mga hog farms dito, ayon sa Bulacan Provincial Health Office.

    Ayon kay Dr. Joy Gomez, taga-pangulo ng Bulacan Provincial Health Office, ligtas kainin ang karne ng baboy bastat siguruhin lamang na naluto itong mabuti at dumaan sa 70 degrees centigrade na pagpapakulo ng tubig.

    Bagamat lumabas din sa ulat ng Department of Health (DOH) na nagposetibo sa ERV ang dalawang manggagawa mula sa isang hog farm sa bayan ng Pandi Bulacan ay wala din umanong dapat na ikabahala ang publiko.

    Ayon kay Gomez, ang mga manggawang nagpositibo sa ERV ay naanalisa bilang isang anti-body o nagdeveloped bilang pangontra laban sa naturang sakit.

    Ayon kay Gomez, malalakas at hindi naratay sa ospital ang dalawang manggagawa sa isang babuyan sa Pandi kahit na ang mga ito ay nagpositibo sa ERV.

    Bukod dito ay ginarantyahan din ni Gomez na wala pa silang teyoryang natutuklasan o nagpapatunay na naisasalin ang sakit na ERV ng tao patungo sa isa pang tao bagamat patuloy pa rin ang imbestigasyon kung saan nagmula ang naturang sakit ng mga baboy sa Bulacan.

    Nanawagan pa sa publiko si Gomez na upang makaiwas sa ERV ay agad na iparating sa kanilang tanggapan kung may kakaibang insidente ng pagkakasakit sa mga alagang baboy upang agad itong masuri at mapag-aralan.

    Dapat din aniyang higpitan ang pagpapatupad ng biosecurity sa mga hog farms, at iwasang makalusot ang mga double dead na karne sa mga pamilihan.

    Ayon pa opisyal ng Bulacan, dapat na panatilihin ng publiko ang kalinisan sa kapaligiran at sa pangangatawan upang maiwasan ang sakit tulad ng ERV at maging ang lahat ng uri ng pagkakasakit.

    Sa loob umano ng dalawang Linggo ay muling magpalabas ng ulat ang mga kinatawan mula sa World Organization for Animal Health at World Health Organization hinggil sa patuloy na imbestigasyon kaugnay ng paglitaw ng Ebola Reston Virus sa bansa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here