Home Headlines Ayudang bigas tuloy-tuloy sa Jaen

Ayudang bigas tuloy-tuloy sa Jaen

1000
0
SHARE

Truck ng bigas na ipinamamahagi sa Jaen. Kuha ni Armand Galang


 

JAEN, Nueva Ecija — Umaabot sa 26,000 na sambahayan ang pagkakalooban ng tig-25 kilong bigas na ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na ipinamamahagi ng lokal na pamahalaan sa bayang ito.

Ayon kay Mayor Sylvia Austria, nagsimula sila sa paghahatid sa mga barangay ng sako-sakong bigas nitong Feb. 2: “Ito ay ‘yung sa malasakit ng ating Gov. Oyie Umali at kami ay naatasan na mag-distribute sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Jaen.”

Upang maiwasan ang pag-uumpukan ng mga tao ay naglalabas ang mga residente ng silya, kung sa saan idinidikit ang stub, at dito iniiwan ang mga sako ng bigas.

“Napakalaking tulong nito sa ating mga kababayan, sa kanilang pamilya, lalo na ngayong panahon ng pandemya,” paliwanag ng alkalde.

Ayon kay Austria ang mga bigas na ayuda ay bahagi ng food program at suporta sa pagsasaka kung saan ang provincial food council o pamahalaang panlalawigan ay namimili ng aning palay sa presyong mas mataas kaysa umiiral na presyo sa pamilihan.

“Ito’y mga palay na binibili nang mahal ng probinsiya at ipinamamahagi (sa mga residente) bilang ayuda,”dagdag pa niya.

Kasabay ng distribusyon ng bigas ay hinihikayat ni Austria ang kanyang mga kababayan na magpa-bakuna at sumunod sa public health standards katulad ng physical distancing, madalas na paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face masks upang maiwasan ang pagkalat pa ng coronavirus disease.

“May pandemya pa rin po at kailangan nating mag-ingat palagi,” sabi niya.

Bukod sa bayang ito, namamahagi rin ng bigas sa iba’t ibang lugar ng Nueva Ecija ang pamahalaang panlalawigan.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here