FORT RAMON MAGSAYSAY, Palayan City – Tahasang itinanggi ng 7th Infantry Division Philippine Army ang akusasyon ng militanteng grupo na di-umano’y malawakang militarisasyon ngayon sa ilang bayan ng Nueva Ecija.
Sa isang panayam, sinabi ni Major Gen. Lenard Agustin, commander ng 7ID, na hindi niya kukunsintihin ang anu mang paglabag ng sinumang sundalo sa karapatang pantao ng mga mamamayan.
Matagal na rin, aniya, na wala silang naitatala na ganitong reklamo.
Pahayag ni Agustin na nahihirapan na raw kasi ang mga makakaliwang grupo maging sa aspetong pinansyal dahil sa mga hakbang ng pamahalaan.
Maging ang European Union daw kasi ay napagpaliwanagan na ng gobyerno ang mga grupong tumutulong sa mga ito.
“Napakaganda ng ginagawa ngayon ng ating gobyerno,” pagtukoy ng heneral sa hakbang ng pamahalaan kung saan ay ipinararating sa mga taga-suporta ng mga tinaguriang makakaliwang mga organisasyon kung paano ginagamit ang pera na kanilang ipinagkakaloob.
Aniya, ang alam kasi ng mga taga-suporta ay ginagamit ang kanilang donasyon sa pagpapaunlad ng mga mahihirap sa kanayunan.
Hindi rin daw sila ang tumatawag o nag-tag sa mga militanteng grupo na komunista o terorista.
Mismong si Communist Party of the Philippines founding chair Jose Maria Sison ang nagsabi ng mga organisasyon sa ilalim nito, sabi pa ni Agustin.
Nauna nang nanawagan ang Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon-Nueva Ecija kay Pangulong Duterte at sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang anito’y red tagging, militarisasyonn at labis na pakikialam ng militar sa Nueva Ecija.
Samantala, nitong Lunes ay nagkakaisang pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Guimba, Nueva Ecija ang deklarasyon sa CPP-NPA bilang persona non grata.