Aquino: Katiwalian tutuldukan

    420
    0
    SHARE

    Naging kinatawan ni Pangulong Aquino si dating Senador Ramon Magsaysay Jr.  sa pagdiriwang ng ika-114 guning taon ng pasinaya sa Unang Republika sa maksaysayang Simbahan ng barasoain sa Malolos noong Enero 23.

    Kuha ni Dino balabo

    LUNGSOD NG MALOLOS—Muling tiniyak ni Pangulong Benigno Aquino III na tutuldukan niya ang katiwalian sa gobyerno at binigyang diin na ang adhikain ng kanyang administrasyon ay sumasalamin sa prinsipyo ng Unang Republika ng Pilipinas.

    Ito ang buod ng mensahe ng Pangulo na binasa ni dating Senador Ramon Magsaysay Jr., sa ika-114 guning-taong pagdiriwang ng pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas na isinagawa sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito noong Enero 23.

    “Sa tingin ko po ay malinaw na sa lahat na walang puwang para sa panlalamang ang tuwid na landas.Papanagutin natin ang mga nagsamantala sa katungkulan at kapangayarihan.

    Sisigurihn natin na ang interes ng marami ang ating isinusulong, at gagawin natin ang lahat upang tuldukan ang katiwalin upang magdulot ng kaunlaran,” sabi ng Pangulo sa kanyang mensahe.

    Nagbabala rin siya na posibilidad na magbalik sa madilim na kabanata ng kasaysayan ang bansa kung ang mga mamamayan ay mananatiling manhid at magsasawalang kibo sa pag-abuso ng mga opisyal ng pamahalaan.

    Hinikayat din ng Pangulo ang mga mamamayan na laging alalahanin ang kahalagahan ng kalayaan at Saligang Batas bukod sa “kailangan ang pakikiisa ng bawat Pilipino upang maipagpatuloy ang positibong bunga ng pagtahak sa tuwid na daan.”

    Sa nasabing mensahe, nagbalik-tanaw ang Pangulo sa pagtatag ng Unang Republika na tinampukan ng pagbuo ng Saligang Batas na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos.

    Sinabi niya na 70 pangunahin pinuno sa bansa noong panahong iyon ang nagtipon sa Barasoain at pinagkasunduan ang pangangalaga sa kalayaan.

    Sa pagpapatibay ng Saligang Batas ng Malolos ay iniluwal ang Unang Republika ng Pilipinas na ayon sa Pangulo ay “sagisag ng katuparan ng mga pangarap na ipinaglaban ng ating mga bayani.”

    Binigyan diin niya ang tatlong pangunahing elemento ng pagkakatatag ng Unang Republika: “ang pagkalas mula sa tanikala ng dayuhan, mamumuhay na malaya at nagsasarili, at pagpapatunay sa mundo na ang Pilipinas ay para sa Pilipino.”

    Bukod dito ipinaalala niya ang kahalagahan ng Saligang Batas na pinagtibay sa Malolos dahil “nakapaloob dito ang mga tuntunin na dapat sundin, nagsilbi ito bilang batayan kung paano natin tutuparin ng marangal at mahusay ang tungkulin natin bilang mamamayan at lingkod bayan.”

    Ayon sa Pangulo ang pagtukoy sa karapatan ng mamamayan at ng mga namumuno ay ang “ang diwa ng pagkakapantay-panatay natin” dahil “bilang mamamayan nagpapailalim tayo sa iisang batas na susundin ng lahat mayaman o mahirap.”

    Ngunit sa paglipas ng panahon, may mga taong nagtangka na baluktutin ang Saligang Batas at tinangkang gamitin ito sa kanilang pansariling interes.

    Ayon sa Pangulo hindi magtatagumpay ang mga nagtatangkang baluktutin ang batas, dahil sila ay pipigilan.

    Bukod dito, sinabi niya na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang lalo pang mapatingkad ang demokratikong sistema ng ating bansa na ang ganap na kapangyarihan ay nagmumula at angkin ng sambayanang Pilipino.

    Tiniyak din ng Pangulo sa kanyang mensahe na “hindi natin bibiguin ang tiwala ng taumbayan, nakahanda tayong ipagtanggol ang bansa sa anumang banta at peligro.

    Ngayon isang bansa tayong may sariling soberanya, may sariling batas, pamahalaan at pagkakakilalanlan. Ito ang kongkretong patunay sa tagumpay ng mga pinunong nakipaglaban para sa ating kalayaan.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here