Anong ‘New Year’s Resolution’ ni Sir ngayon?

    358
    0
    SHARE
    Paglabas ng ating artikulong ito,
    Tapos nang tiyak ang panahon ng Pasko;
    Kung saan kabilang na rin syempre rito
    Pati ang para sa Tatlong Haring Mago.

    Partikular na ang ating pagsalubong
    Sa masayang pagsapit ng Bagong Taon;
    At kung saan naging kaugalian itong
    Naging palasak ng “New Year’s Resolution”

    Na nangangako o kaya sumusumpa
    Sa kanyang sarili na di na gagawa
    Ng kung anong ititigil nitong kusa
    O babaguhin po nila halimbawa,

    Gaya nitong di na muling magsusugal,
    Iinom ng alak at mambabae riyan;
    Pero karamihan ay sa umpisa lang
    Ng taon nagiging ayos ang takbo n’yan;

    Pagkat pagsapit lang ng Marso o Abril
    Balik na sa dating ugaling kalasing;
    Ang pambababae’y di matigil-tigil
    At ang pagsusugal magdamagan pa rin!

    Ang Pinoy, madali kasing makalimot
    Pati sa bagay na posibleng magdulot
    Ng kapinsalaan… gaya nitong halos
    Taon-taon na lang, sa tuwing papasok

    Ang Kapaskuhan ay lagi’t-lagi na lang
    Na nagkakasunog nang dahil po lamang
    Sa ilang pasaway nating kababayan
    Na maituturing na walang kadalahan.

    Alam nang bawal ang klase ng paputok
    Na kagaya nitong lintik kung sumabog,
    Pero patuloy pa rin ang ilang ‘bugok’
    Ng gumagawa n’yan (kaya natetepok?)

    Na aywan kung bakit ito namang iba
    Ay patuloy pa rin sa pagbinili nila
    Gayong ito’y pagtatapon lang ng pera,
    At posible nga pong ikapahamak pa!

    Na kagaya nitong may napuputulan
    Ng daliri nila kundi man ng kamay;
    Na tiyakang ito ay pagsisisihan
    Ng mga biktima habang nabubuhay.

    At ang mas matinding posibleng idulot
    Ng kung anong uring bawal na paputok,
    Ay di malayong ya’y pagmulan ng sunog
    Sa di maingat na pagpapa-pasabog!

    Na katulad nitong mga nakalipas,
    At kung saan paputok nga lang at sukat
    Ang naging mitsa ng sunog na naganap
    Sa halos lahat ng dako nitong Pinas.

    Partikular na sa mismong pagawaan
    Ng mga paputok sa parteng Bulakan
    At iba pang lugar sa ‘ting kapuluan,
    Gaya halimbawa sa ka-Maynilaan.

    Na aywan kung bakit ang ating gobyerno
    Ay di gumawa ng hakbang laban dito
    Upang masawata ang bagay na ito,
    At maipatupad kung ano ang wasto?

    Kung di totoo ang ating hinala riyan,
    Na ang otoridad ay kumikita rin diyan;
    Kung kaya bakit nga ba ipagbabawal,
    Ni Sir ang anumang bagay na illegal?
    (Na kadalasan ay sila ang kapural
    Pati sa iba pang bawal na kalakal!)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here