Home Opinion Anong nagtulak kay Pangulo sa biglang pagkambyo?

Anong nagtulak kay Pangulo sa biglang pagkambyo?

764
0
SHARE

MARAMING nanlumo sa panig ng sektor
ng paggawa sa pag- ‘Veto’ ni Pangulong
Duterte sa kanyang dati’y isinusulong
na pagbasura sa ‘Endo,’ iniurong.

Gayong ang pagkitil sa kalakarang ‘yan,
siya mismo itong sa ating Batasan
nagbigay ng ‘marching order’ na bilisan
ang pag-amyenda sa batas na naturan.

Pero ano’t ngayon ay siya pa mismo
ang sa naturang ‘bill,’ umayaw ng husto
na maratipika at pirmahan ito,
gayong siya bale ang awtor din nito?

At iniatas lang sa dalawang sangay
ni Sir sa ating Pambansang Kapulungan,
na madaliin ang pagsasabatas n’yan
para sa sektor ng paggawa’t kapital.

Nakapagtataka ang biglang pagkambyo
ng ating kagalang-galang na Pangulo,
kaya nga’t ang dami riyan ng dismayado
sa di akalaing di pagpabor nito.

Imposible kasing siya’y basta aatras
sa isang bagay na siya ang nagtulak
mismo sa batasan upang isabatas
ang ‘Endo,’ at pagkaraan ay di payag?

At kung saan pirma na lang ni Pangulo
ang kailangan upang maging batas ito,
liban na lang kung may nangyaring milagro
sa pagitan ng kapital at siya mismo.

Na malayong gawin ng kagalang-galang
nating Presidente na ipagbili n’yan
ang kanyang prinsipyo sa anumang bagay
na naglipana riyan sa kasalukuyan.

Kung di patas para sa kapitalista
ang nilalaman ng batas na gawa na,
sana kung alin lang ang para sa kanya
ay dapat ayusin ang ipabago niya.

Hindi kagaya n’yan na komo ‘employer’
itong dehado sa pakiwari ni Sir
sa inakdang batas ng mga Congressmen
at mga Senators… kailangang ma‘ cancel’.

Kundi bagkus ito ay ibalik na lang
sa Congress at Senate upang masusugan
ang anumang bagay na inaakalang
sa alin mang kampo di makatarungan

Upang ang Pangulo ay hindi maipit
sa isyung kumbaga siya ang may nais
na maisabatas ay biglang kumabig
pakaliwa, kaya maraming nagalit.

Partikular na ang sektor ng paggawa
na tunay na buong-buo ang tiwala
nila kay Pangulo na makamit na nga
ang pamalakad na patas magkabila.

Kung saan ang ‘Endo’ dapat ibasura
nang naaayon sa maka-Diyos at saka
ng makatao ring pagtalima tuwina
nitong ‘labor sector’ at kapitalista!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here