Animal Welfare Act kinunsidera sa pagpatay sa 6,000 baboy

    769
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Buo na ang prosesong isasagawa sa pagpatay sa 6,000 baboy na hinihinalang nahawa sa Ebola Reston virus sa bayan ng Pandi, ngunit hindi naging madali iyon para sa mga opisyal dahil sa isinaalang-alang pa nila ang batas na Animal Welfare Act.

    Ayon kay Dr. Joy Gomez, ang provincial health officer na siya ring tagapagsalita sa lalawigan hinggil sa kaganapan sa pagsugpo sa virus, ang pagkatay sa mga baboy ay batay sa payo ng mga dalubhasang nagsagawa sa pagsusuri sa dugo ng baboy at tissue sample.

    Kabilang sa mga dalubhasang nagsagawa ng pagsusuri ay nagmula sa World Health Organization, United Nations Food and Agriculture Organization, World Organization for Animal Health, at Department of Agriculture (DA).

    Ayon kay Gomez hindi naging madali ang pagbuo nila ng mga hakbang kung paano kakatayin ang 6,000 baboy na kinabibilangan ng mga biik, inahin, bulugan, at mga patabain o fattener.

    Isinasaad kasi ng Animal Welfare Act na kung papatayin ang mga hayop ay sa pamamaraang “humane” o halos walang sakit itong madarama.

    Dahil dito, napagkasunduan ang paggamit ng stun gun at kalibre .22 na baril na tinatanggap ng Animal Welfare Act.

    Ayon sa isang source, ang mga baboy ay babarilin sa ulo gamit ang kalibre .22  upang madali ang pagkamatay niyon, kung hindi mamamatay kapag ginamita ng stun gun.

    Ayon kay Dr. Romeo Manalili, ang pang rehiyong beterinaryo, tatlong isyu ang kanilang kinunsidera sa pagpatay sa 6,000 baboy sa Pandi, at sa pagsasantabi ng mga labi nito.

    Sinabi ni Manalili na kinunsidera nila ang pagiging “humane” at ang proteksyon ng kalikasan at kalusugan ng tao.

    Sinabi niya na ang mga papataying baboy ay susunugin at ililibing sa hukay na may lalim na 15 talampakan, at may luwang at haba na tig-30 talampakan.

    Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nagpahayag sina Gomez at maging si Gob. Joselito Mendoza na malapit nang tanggalin ang quarantine sa isang babuyan sa Pandi na isinailalim doon matapos matuklasan ang Ebola Reston virus noong Disyembre.

    Ang Ebola Reston virus na karaniwang nakikita sa mga unggoy ay natuklasan sa mga baboy sa kauna-unahang pagkakataon noong Disyembre matapos magpadala ng mga tissue sample sa Center for Disease Control sa Amerika ang mga magbababoy sa Bulacan upang matukoy kung anong strain ng procine respiratory and reproductive system virus ang naging sanhi ng pagkamatay ng baboy sa Bulan nong 2007 at 2008.

    Ang Ebola Reston virus ay isang uri ng filo virus na animoy hibla ng sinulid. Ito ay kauri ng kinatatakutang Ebola virus na natuklasan sa Africa, ngunit ang Ebola Reston ay hindi kasing basik noon.

    Ang pangalang Ebola Reston virus ay hinango sa Reston, Virginia kung saan ito natuklasan noong 1989 matapos suriin ang mga unggoy na inangkat mula sa Ferlite Farm sa Laguna.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here