Home Opinion ANG TRADISYON SA PISTA NG SAN JUAN

ANG TRADISYON SA PISTA NG SAN JUAN

1179
0
SHARE

Ang kultura natin at mga tradisyon
na nakagisnan sa nagdaang panahon
sinusunod pa rin magpahanggang ngayon
ng kasalukuyan nating henerasyon

katulad ng pista at mahal na araw
bagong taon, pasko at araw ng patay
pag-iisang dibdib ng magkasintahan
at sari-sari pang mga pagdiriwang

Ang kapistahan ng Poong Nazareno
ipinagdiriwang tuwing buwan ng Enero
at ang traslasyon ay napaka-sagrado
na dinadayo ng maraming deboto

Tradisyon ay likas na paniniwala
sa nakamulatan ng alin mang bansa
bagaman kahit na may tumutuligsa
pilit pa rin namang isinasagawa

Tulad sa nangyari doon sa Bocaue
bangka ng pagoda’y biglang tumabinge
maraming nalunod na hindi sinuwerte
sa napalakalagim noong aksidente

Ngunit hanggang ngayon pag ginugunita
pista ng Bocaue ay mayrong pagoda
sapagkat ito ay kaugalian na
ng mamamayan na doon nakatira

Dahil sa ito nga ay isang tradisyon
hindi maaaring sa limot ibaon
kung may naganap man na sakuna noon
may pag-iingat ng ginagawa ngayon

Ngunit ang nangyari sa syudad ng San Juan
sa nagdaang pista’y naging kontrobersiyal
sa social media at mga pahayagan
na binabatikos sa kasalukuyan

Hindi masama na sila ay magsaya
sa pagdiriwang ng kapistahan nila
ngunit kung ang dulot nito’y perwisyo na
sa kapwa tao ay hindi na maganda

Bawat dumaraang jeep ay inaakyat
at ang pasahero’y binabasa lahat
pati mga bata di rin nakaligtas
kahit anong gawin nilang pakiusap

May nagtatrabahong hindi nakapasok
babad sa tubig ang damit at sapatos
umalmang rider sa sobrang pagkayamot
imbes payapain kanilang binugbog

Walang sinasanto ultimong ang pulis
at may nagsaboy din ng muriatic acid
kay boy dila naman maraming nainis
sa asal niyang tila may sayad ang isip

Ang mga naganap sa pista ng San Juan
pang-aabuso na’t hindi makatwiran
wala na ang diwa ng kasagraduhan
tila may bahid na ng kademonyohan

Sana ay magtakda na ng ordinansa
ang city council ni alkalde Zamora
upang sa gayon ay di na maulit pa
ang nangyari nitong nakaraang pista

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here