Home Opinion Ang sapantaha ni Gat Jose Rizal

Ang sapantaha ni Gat Jose Rizal

1120
0
SHARE

Sabi ni Gat Rizal nang nabubuhay pa
sa dayuhan daw siya’y di nag-aalala
kung hindi sa kapwa Pilipino niya
na mandurugas at mapagsamantala

Ang kanyang pangamba ay tila totoo
dahil may traydor na mga Pilipino
katulad ng ilan nating pulitiko
na sa inang bayan ay nagkakanulo

Sapagkat may mga sekretong nabunyag
hinggil sa nagkalat na mga POGO hub
kung saan ang nasa Bamban daw at Porac
mayrong pagdududang mayor ay kasabwat

kung totoong sangkot itong mga mayor
sa Philippine Offshore Gaming Operation
bakit kahit isa ay walang nagsuplong
na taga LGU sa mga governor

Hindi kaya sila ay mayrong ganansiya?
sa mga POGO na nasa bayan nila
kaya ba nabulag ang kanilang mata
dahil sa alok na malaking halaga?

Ang amilyar pala na ibinabayad
o tax declaration sa bayan ng Porac
para sa nasabing lupa ng POGO hub
ay sampung libo lang na di naman sapat

Aba, mas malaki pa palang magbuwis
itong ating mga pobreng magbubukid
sino ba naman ang hindi mag-iisip
sa ganyang sistemang nakapagngingitngit

Kung ganon ay tama si Gat Jose Rizal
sa sapantaha niyang makatotohanan
sapagkat ang iba nating kababayan
ay di maaring pagkatiwalaan

Sila’y matatawag din nating kauri
sa tinagurian noong MAKAPILI
kapalit ng buhay nila at salapi
sa mga hapones sila’y nakisapi

Tulad ng nangyari sa may pasong tirad
kababayan pa rin natin ang naghudas
Greogorio Del Pilar buhay ay nautas
dahil may nagturo sa sekretong landas

Sa panahon ngayon ay maraming taksil
na mamamayan sa inang-bayan natin
karamihan ay may posisyon pa mandin
sa pamahalaan ang mga salarin

Noong 2019 maraming sang-ayon
na gawing legal ang POGO operation
dahil malaki raw ang maitutulong
sa bayan tungo sa dagliang pagsulong

Ngayong lumitaw ang maraming problema
at ang samut-saring mga kontrobersiya
tila nais naman itong ipasara
habang di pa huli at may panahon pa

Kung tama si Rizal sa kanyang palagay
ano naman kaya ang kanyang batayan
siya kaya ay mayrong pambihirang taglay?
o nagbase lang sa kanyang karanasan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here