Kung mayroong isang bagay na halos imposibleng maiwasan, ito ay ang ma-ospital. Kapag na-ospital ka naman, hindi rin maiiwasan ang gumastos nang malaki.
Mainam sana kung lahat ng tao’y may pambayad sa ospital. Ang totoo nito’y sa bawat sampung Pilipino, tatlo lang ang may pambayad sa ospital. Eh paano ang pito?
Kaawa-awa sila.
Kaya naman naitatag ang PhilHealth. Ang mga naka-enrol sa PhilHealth ay may katuwang sa pagbabayad sa malaking gastos sa pagpapa-ospital. Kahit paano, para sa mga miyembro, naging abot-kaya na ang pagpapa-ospital para sa maraming uri ng karamdaman.
Ngunit hindi pa covered ng PhilHealth ang lahat ng mamamayang Pilipino. Lalo na ang mahihirap. Kaya marami pa rin ang walang kakayahang magpagamot at magpatingin sa mga doctor, lalo na ang magpa-confine sa ospital.
Ang dahilan: Ang mga may hanapbuhay lang ang karaniwang nabibigyan ng pagkakataong magpa-enrol sa PhilHealth, o yung mga nabigyan ng PhilHealth coverage ng kanilang mga mayor, gobernador, o kongresista sa mga LGU.
Ang tanong: Ang kakulangan ba ay nasa tao, o mga opisyal sa mga LGU?
Hindi po.
Ang kakulangan ay nasa batas.
Ang kasalukuyang batas na nagpapatupad ng PhilHealth coverage – o ang National Health Insurance Act of 1995 — ay sumasakop lamang sa mga may pambayad ng PhilHealth insurance o Medicare, o yung mga mahihirap na sinuwerteng maka-enrol sa tulong ng mga LGU officials.
Kung ganoon, hindi pala lahat ng mahihirap pwedeng matulungang maka-enrol sa PhilHealth. Kung mahirap ka’t wala kang hanapbuhay, kailangan mong lumapit, maki-usap, pumila, at maghintay na magbigay uli ang inyong mga LGU o kaya ang inyong Congressman para, baka sakali, maka-enrol ka sa PhilHealth.
Ang masaklap na katotohan: Ang mga sektor maykaya, may hanapbuhay, o nakaluluwag – na kadalasa’y nakalalamang na nga sa kalusugan – ang mga kasalukuyang sakop ng national health insurance, samantalang ang mas maraming mahihirap, naghihikahos, walang matatag na hanapbuhay – na kadalasa’y maysakit dahil sa pagdarahop – ay wala pang PhilHealth!
Kung ako po ang tatanungin mga kabalen, ang PhilHealth ay para sa lahat – para sa mayayaman, at lalo na, para rin sa mahihirap.
Kaya ang higit na kailangan ngayon, ang pagkakaroon ng health insurance para sa lahat, o ng Universal PhilHealth Coverage na syang layon ng isinusulong kong batas, ang House Bill 2174, kung saan, co-author si Cong. Daisy Avance Fuentes.
Hangad baguhin ng panukalang batas na ito ang Charter ng Philippine Health Insurance Corp. upang matugunan ang pangangailangan ng health care delivery system para sa nakararaming mahihirap na Pilipino. Sa pamamagitan ng mga amyenda sa PhilHealth Charter, maitutuwid ang baluktot na hangarin nito kung saan pangunahin ang kumita, at hindi ang kumalinga sa ating mga kababayan.
Kailangan ding madagdagan ang pangkagawarang budget para sa kalusugan.
Ayon sa Asian Development Bank, umaabot lamang, nitong 2008, sa 0.4% ng ating Gross Domestic Product (GDP) ang gastos ng pamahalaan para sa kalusugan. Lubhang mababa ito kumpara sa mga karatig bansa tulad ng Malaysia, na nasa 1.8% ng GDP ang gastusin sa kalusugan; kasunod ang Thailand, na nasa 1.7%. Maging ang Cambodia, na mas mahirap na bansa kaysa sa Pilipinas, ay gumagastos naman ng 0.8%, o doble kaysa sa gastos ng bansa natin sa kalusugan.
Huwag naman tayong pumayag na manatiling kulelat, lalo na sa kalusugan.
Kapag naisabatas na ang HB 2174, aabot agad sa 90% ng populasyon ang mabibigyan ng PhilHealth coverage, at pagkaraan ng 15 taon, magiging 100% o lahat ng mamamayan ay sakop na ng national health insurance system.
Nakasaad po sa HB 2174: “All citizens of the Philippines shall be AUTOMATICALLY ENROLLED and covered by the National Health Insurance Program…”
“The Program shall AUTOMATICALLY enroll ALL CITIZENS OF THE PHILIPPINES as beneficiaries in order for them to be placed under coverage that entitles them to avail of benefits with the assistance of the financial arrangements provided by the Program…
“All indigents not enrolled in the Program shall have priority in the use and in availing of the services and facilities of government hospitals, health care personnel, and other health organizations.”
Mabibigyan din po lahat ng PhilHealth ID.
At malaki rin ang magiging tulong nito sa mga pampublikong ospital dahil madaragdagan ang proceeds ng mga ito mula sa mga bayarin ng Philhealth – dahil mas maraming pasyente ang magkakaroon ng health insurance.
Sa karagdagang pondo na mapupunta sa mga pampublikong ospital, magkakaroon ito ng dagdag panggastos para sa maintenance, operations, and other expenses (MOOE). Ang katumbas nito ay mas maayos na public hospital services.
At dahil ang dagdag kita para sa public hospitals mula sa PhilHealth ay garantisado, maaaring mag-avail ng soft loan ang mga ito – sa tulong ng mga LGUs na sumasakop sa mga ito — para maipambili pa ng mga suplay, gamit at makinaryang pang-ospital.
Napapanahon, bukod sa malaking tulong sa pag-aangat ng health care services sa bansa, ang pag-aamemyenda sa Republic Act 7875 o ang National Health Insurance Act of 1995.
Sa pamamagitan ng HB 2174, posible na ang PhilHealth ay magiging para sa lahat. Ito ang tugon sa mga kakulangan ng kasalukuyang social health insurance system, at upang magkaroon tayo sa bansa ng Universal PhilHealth Coverage.
Sa pamamagitan nito, sasagutin ng national government ang sponsored program para sa poorest of the poor, para maka-enrol na ang lahat. Mapapalawak pa nito ang outpatient services, primary health care, at tuluyan na mai-subsidize ng mga maykaya ang mahihirap, ang katandaan, at mga maysakit.
(Kung nais ninyong lumiham kay Cong. Erin, ipadala sa: Hon. Lorenzo R. Tanada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.)