ANG PASKO sa tunay nitong kahulugan
Ay di lang panahon ng pagbibigayan
Ng bonus, 13th month at iba pang bagay
Na kaugnay ng Araw ng Kapaskuhan;
Kundi ang tunay na diwa ay pag-ibig
Kay Jesus na Siyang kaloob ng langit
Upang dakilain ng buong daigdig
Ang ginawa Niyang pagpapakasakit
Para matubos ang sala nitong mundo,
Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo,
Na bugtong na anak ng Diyos na totoo
At kay Birheng Maria nagkatawang tao.
\
Kapayapaan sa buong sanglibutan
At pagmamahalan ang isa pang pakay
Ng Diyos sa lahat ng Kanyang nilalang
Ang pagkasilang ni Jesus sa sabsaban
Tanda ng lubos na kababaang loob
Ang ipinamalas ng dakilang Diyos
Sa lahat ang pagka-panganak kay Jesus
Ni Maria sa ganyang lugar na di angkop
Para sa katulad Niyang anak pa mandin
Ng kataas-taasang Lumalalang sa atin,
Na siyang sa lahat ng abot tanaw natin,
Ang Lumikha pati na ang papawirin.
Gayong gaano man marahil karangya
At kagandang kama ang Niño mahiga
Ay tunay naman ding lubos magagawa
Ng Diyos, na ating Dakilang Lumikha!
Yan sa ganang akin ang tunay na kulay
At diwa ng araw nitong Kapaskuhan,
Na nakasanayan nating naging araw
Yan ng kasayahan at pagbibigayan
Ng regalo at/o itong tinatawag
Nating ‘bonus,’ saka ang ‘yearly 13th month,
Na karaniwan nang ito’y natatanggap
Nitong may regular na posisyong hawak.
(Pero itong mga ‘casual’ at ‘job order’
Ang kwenta klase ng kanilang ‘appointment’
Sa public offi ce o ‘private establishment,’
Yan di kasali sa ‘ambon’ ng December?)
Subali’t kung sadyang ang diwa ng Pasko
Ay pagmamahalan (at di lang regalo
Bonus at iba pa na kauri nito
Ang laman ng puso) matuwa rin tayo;
At salubungan ng may galak sa labi
Ang pagsapit nito sa bawat sandali,
Pagkat ito ang araw na natatangi
Upang ang pagsilang Niya’y ipagbunyi.
At kaugnay nitong darating na Pasko
Ay tanging panulat ng abang-lingkod n’yo
Ang buong pusong kong mai-handog sa inyo,
Ngayon at sa muling pagsapit po nito!
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat!!!