Home Headlines Ang Pagbabagong-Anyo ng Bayang Filipino

Ang Pagbabagong-Anyo ng Bayang Filipino

633
0
SHARE

NAISIP NA ba ninyo, kung hindi naganap ang EDSA People Power Revolution, ano na kaya ang nangyari sa ating bayan mula sa araw na iyon ng Feb. 25, 1986? Kung walang mga milyong tao na pumagitna sa mga armadong puwersa ng gubyerno at puwersa ng mga nagrebelde, baka umagos nang husto ang dugo sa EDSA. O kung nanalo man ang mga rebeldeng sundalo, baka military junta ang ibinunga. Baka hindi na nanumbalik ang civilian supremacy over the military. Baka walang katapusang civil war ang kinahinatnan natin, katulad ng sa bansang Myanmar.

Ang ganda ng timing ng pyesta ng EDSA Shrine sa taon na ito ng 2024: second Sunday of Lent, at ang Gospel reading ay ang Transfiguration story ayon kay St. Mark. Kaya ang homily na ito ay tungkol sa EDSA People Power Revolution bilang makasaysayang karanasan ng “Pagbabagong Anyo ng Bayang Filipino,” at kung bakit mahalaga na ito’y ating balik-tanawin, sariwain at pagnilayan. Sa ating first reading, nagtayo daw ng altar si Abraham para pag-alayan ng anak niyang si Isaac, sa paniwalang iyon ang hinihingi ng Diyos. Salamat na lang at pagsubok lang pala, at pinigilan siya ng Diyos sa huling sandali. Di ba’t ang dami pa ring mga bansa sa daigdig na nasa giyera, at ang patuloy na isinasakripisyo nila ay ang buhay ng kanilang mga anak sa mga altar ng karahasan at digmaan? Delikado pala ang mga altar; baka magkamali tayo ng iaalay. Magandang itanong sa sarili: “Ano kaya ang mga sakripisyong inihahandog natin sa Diyos sa mga altar ng bayan sa sandaling ito ng kasaysayan, na baka hindi naman niya hinihingi sa atin, o baka hindi niya ikinatutuwa?”

Dahil napakatinding karanasan ang pinagdaanan ng ating bayan sa lugar na ito 38 years ago noong a-22 hanggang a 25 ng Pebrero 1986, minabuti ng yumaong Jaime Cardinal Sin na itayo ang dambanang ito bilang Archdiocesan Shrine of our Lady of Peace. Sa araw na ito pagnilayan natin bilang isang bayan kung anong klaseng handog ang kalugod-lugod sa Diyos na dapat ialay sa altar ng Dambanang ito.

Sa Bibliya maraming kuwento tungkol sa mga lugar na tinayuan ng dambana o altar bilang paggunita sa mga dakilang sandali sa kanilang kasaysayan. Halimbawa ay ang kuwento sa Genesis 28 tungkol kay Jacob. Napadpad daw siya sa isang lugar kung saan siya nakatulog at nanaginip. Nakita daw niya sa kanyang panaginip ang isang hagdan na nagdurugtong sa langit at lupa.

Sa magkabilang panig daw ng hagdan ay may nakita rin siyang mga anghel na umaakyat at bumababa, at ang Diyos mismo na nasa may paanan ng hagdan, nakatayo sa tabi ni Jacob. Nang magising siya, minarkahan daw niya ang lugar na iyon bilang isang sagradong pook at tinawag niyang BETHEL, isang entrada patungo sa “Bahay ng Diyos.” At nagtayo daw siya doon ng isang dambana.

Sa ebanghelyo, parang ganoon din ang binabalak na gawin ni San Pedro matapos na masaksihan niya at ng dalawang kasama niyang mga alagad ang pagbabagong- anyo ni Hesus. Na magtayo ng dambana o kubol, hindi isa kundi tatlo—isa para para kay Hesus, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Ayon sa awtor, nasabi daw niya ito dahil sa matinding pagkamangha sa nasaksihan, parang nawala sa sarili at nagsasabi-sabi. Kaya natakpan daw sila ng madilim na ulap at sinabihan ng isang tinig, “Ito ang Minamahal kong Anak, makinig kayo sa kanya.”

Sa madaling salita, tumahimik daw muna sila bago magplano ng kung ano-ano. Tulad ng temang napili ninyo “EDSA remembered, renewed and reflected”. Pero imbes na past participle, gawin nating present participle: “EDSA 38:

Remembering, Renewing and Reflecting”. Mahalagang balik tanawin, sariwain at pagnilayan ang mga bagay na naganap sa lugar na ito noong February 1986. Tulad ng bukambibig ni Pope Francis na SYNODALITY—matuto tayong makilakbay, luwagan ang espasyo ng tolda. Makinig, makipagkaisang-puso at diwa, makilahok at makimisyon. Upang mangyari ito, kailangang hayaang magpatuloy ang pag- uusap; mapalalim ang pag-uusap na ito, gawing “spiritual conversation”, hayaan natin na ang Espiritung gumabay sa atin noon ay siya pa ring gagabay sa atin ngayon at sa darating pang mga panahon.

Baligtad kasi ang gustong mangyari ni San Pedro, ayon sa kuwento. Kaya siguro siya binara ng Diyos. Sumabat-sabat ba naman siya sa pag-uusap ng tatlo. Di ba’t sa ating kultura, hindi tama ang basta ka na lang sasabat sa pag-uusap ng mga tao, o dadaan sa pagitan nila nang hindi nagpapasintabi? Hindi lang siya sumabat; ipagtatayo daw sila ng tatlong kubol. Tig-iisa sila.

Paano nila ipagpapatuloy ang pag-uusap kung bubukod sila sa tatlong magkakahiwalay na kubol? Aba hindi lang pala niya sinasabat ang pag-uusap, gusto niyang putulin at tapusin. (May tawag sa ganito sa panahon natin ngayon: mga “conversation stoppers.” Di ba’t may mga topic na pag ipinasok mo ay pumuputol sa pag-uusap? Sa loob mismo ng Simbahan marami ring mga “conversation stoppers.” Pero minabuti ni Pope Francis na buksang muli ang mga pag-uusap.) Ano ba ang pinag-uusapan nina Hesus, Moises at Elias? KALAYAAN. At ito rin ang paksa ng EDSA: Ano ang susi ng kalayaan?

Kay Moises ito ay ang matapat na pagsunod ng bayang Israel sa mga batas o kautusan ng Diyos. Pagsunod sa pinakaunang Konstitusyon, kumbaga—ang Sampung Utos ng Diyos. Kay Elias, ang susi ng kalayaan ay ang konsensya ng tao, isang malinis na kalooban na tapat sa kasunduan. Walang kuwenta ang Kautusan o batas kung hindi ito nakatayo sa pundasyon ng katapatan sa kasunduan. At kay Hesus, ang susi ay ang kusang-loob na paghahandog ng sarili. Hindi salapi o kayamanan, hindi dugo ng hayop o ng tao kundi pag-ibig na handang mag-alay ng buhay alang-alang sa minamahal. Ayon sa kuwento ni San Markos, nag uusap daw ang tatlo—at sa gitna ng pag- uusap na ito, nakita nilang nagningning at nagbagong-anyo si Hesus.

Makapangyarihan ang mga pag-uusap sa liwanag ng Salita ng Diyos; nakapagbabago ng anyo! Ang EDSA ay isang maningning na sandali ng kadakilaan para sa bayang matagal na nanahimik ngunit biglang nagising, lumabas at nagkaroon ng lakas ng loob na makipag-usap. Pag-uusap na mahalagang sangkap ng kalayaan—lalo na nang mga panahong iyon na ipinagbawal ang malayang pamamahayag. Kung gusto nating lumaya, kailangang magkatagpo-tagpo tayo para sa makabuluhang pag-uusap.

Mayroong nagsa-Moises sa atin, mga magigiting na mambabatas na bumuo ng Bagong Konstitusyon. Malaki ang naiambag ng mga pag-uusap nila para sa pananauli ng batas, at para hindi na muling mabawi ang ating kalayaan, para di na muling mapailalim sa mga kamay na bakal. Malaki ang naiambag ng mga bumalangkas ng isang malaya at demokratikong konstitusyon. Kaya iniingatan natin. Iyon ang diwa ni Moises—na hindi tayo lalaya kung hindi tayo bubuo ng mga batas na patas na ayon sa kalooban ng Diyos na pinagmumulan ng lahat ng mga batas. Hindi malulubos ang kalayaan kung nakasulat nga ang mga ito pero hindi naman natin tinutupad o sinusunod. At hindi rin mapanatili ang kalayaan kung hahayaan nating manipulahin ang batas para sa interes ng iilan, hindi ng nakararami. Linawin nating mabuti ang pagkakaiba ng people’s initiative sa politicians’ initiative. Kung ibig nilang igalang ang kanilang mandato ayon sa kasalukuyang Konstitusyon, ipakita muna nila na may paggalang din sila sa Konstitusyon na kanilang sinumpaan.

Kaya bukod kay Moises, kailangan din natin ng mga Elias—mga propetang aantig sa konsensya ng bayan. Mga tagpagpaalala na walang kuwenta ang batas kung malimutan natin ang tunay na pundasyon nito: KASUNDUAN ang pundasyon ng KAUTUSAN.

Isang realasyon na humihingi ng katapatan. Kapag nawala ito, ang Batas ay pwede na namang gamitin sa pang-aapi sa mahihirap, pang-aabuso ng kapangyarihan at pang-aalipin sa mga maliliit at walang kalaban-laban. We have seen how the law has been weaponized by people who have no respect for it. Kaya siguro may mga katulad ni Pedro sa kuwento na gustong sumabat sa pag-uusap, dahil sa takot at pangamba, dahil sa pagkawala ng tiwala— at ang suhestiyon ay magkanya-kanya na lang sila. Di ba’t natutukso rin tayo kung minsan na magduda kung mayroon nga ba tayong pinagkakaisahan bilang mga Filipino? Naalala ko tuloy ang eksena sa pelikulang Gomburza, nang tanungin ang isang katulong na katutubo – “Filipino ka ba?” At ang sagot niya ay “Tagalog po ako.” Baka nga hanggang ngayon wala pa ring kinalaman ang mga Tagalog sa mga Cebuano at Ilocano, o ang mga Kapampangan, Ilonggo o Bicolano sa isa’t isa. Na kanya-kanya pa rin tayo. Na baka matapos na mawala sa mga dayuhan ang kapangyarihan ay napasakamay lamang ito sa mga bagong amo na ang turing sa kapwa Filipino ay wala pa ring pinagkaiba sa turing ng mga kolonyal na Kastilang amo sa mga sinaunang “Indio.” Na baka hindi talaga mapagsasama ang Muslim, Kristiyano at Lumad, mga Protestante, Iglesia at Katoliko. Na baka nga mas makabubuting ang Mindanao ay bumukod na sa Luzon at Visayas, tulad ng mungkahi ng iba?

Ganyan ang panukala ng mga nadidiliman ng isip. Narito tayo dahil alam natin na ang EDSA ay isang UNFINISHED PROJECT, isang WORK IN PROGRESS. Na hindi magtatagumpay ang diwang ito kung isusuko natin. Ano nga ba ang saysay ng EDSA: -kung wala pa ring makitang kinabukasan ang mga kababayan nating taga-probinsiya kundi ang lumikas at makipanirahan sa mga gilid gilid ng mga mauunlad na siyudad? Di baleng iskwater makahanap lang ng mapagkakitaan kahit minimum?
-Ano’ng saysay kung wala pa ring katarungang panlipunan? Kung ang kayamanan ng bayan ay nasa kamay lang ng iilang pamilya at ang mga dukha ay walang ibang pinapangarap kundi ang makapag-abroad bilang OFWs?
-Ano ang saysay kung wala pa ring choice ang mga kapatid na Moro sa Mindanao kundi ang humawak ng armas para lang maipagtanggol ang kanilang mga lupa sa mga ibig mangamkam nito, kung tatawaging “komunista” ang mga trabahador kapag sumali sa mga unyon at humingi ng tamang sahod, kung ire-red tag pati mga kooperatiba ng mga magsasaka dahil ayaw magpakontrol sa mga kapitalista? Kung laging delikadong matawag na terorista kahit ordinaryong mga aktibista? Ano ang kahihinatnan natin kung gigiyerahin ng Pilipino ang kapwa Pilipino? Payayamanin lang natin ang mga industriya ng armas. Walang makikinabang sa ganyan kundi ang mga dayuhan na laging nakaabang na samantalahin ang ating kahinaan o sakupin na naman tayo. Alam natin kung sino ang mga dating dayuhang amo; at kung sino ang bagong nakaabang na manakop sa mga teritoryo natin.

Ano ang saysay ng EDSA kung tatanggapin na lang natin ang korapsyon sa gubyerno bilang normal na “kalakaran”? Kung maging bahagi na ng kultura natin ang “pangungumisyon” sa lahat ng uri ng serbisyong pampubliko? Kung ang mga pondong galing sa buwis na ibinabayad ng mga mamamayan ay gawing confidential funds o intelligence funds ng mga pamilyang mahusay magpatron para manatili sa puwesto? Kung ang inaasahan ng taumbayan sa mga lingkod- bayan ay laging ayuda imbes na good governance? Kung hindi na natututong magsulat at magbasa ang mga istudyante dahil sa depektibong sistema ng edukasyon? Kung di na natin sila maturuang kumilatis sa pagkakaiba ng information sa disinformation? Kung nabubulok sa bilangguan ang mga akusadong walang pambayad piyansa at abogado dahil sa depektibong sistema ng hustisya? Kung hindi na natin mapanagot sa batas ang mga tiwali at mapang-abuso sa gubyerno, kung hindi na tayo marunong pumili ng tamang mamumuno?

Kailangang balikan at gunitain diwa ng EDSA dahil maraming mga kalituan na dapat linawin at mga pagkakamali na dapat tuwirin sa mga sumunod na pangyayari mula noong 1986. Kaya kailangan ang pag-uusap at pakikinig at pagkilatis. Kung patuloy tayong maniniwala na ang paghalal ng mga bagong lider ay sapat na para mapabago at mapaunlad ang bayan natin uulit-ulitin lang natin ang mga pagkakamali ng nakaraan. Maraming puwersa ang nagtagpo-tagpo sa EDSA, may kani-kaniyang papel ang bawat is —simbahan, negosyante, kabataan, sundalo’t kapulisan, eskwelahan, oposisyon, mga kilusan at puwersang demokratiko atbp. Kapag hindi malinaw kung anong papel ang dapat gampanan ng bawat isa, talagang pupulutin tayo sa kangkungan.

Minsan talagang nakakatukso ang magsa-Pedro na lang—ang magsabing magkanya-kanya na lang kaya muna tayo? Na magsaulian na lang ng kandila sina Ate Luz, Ate Vi, at Ate Minda?

Iyan ay bunga ng pagdidilim ng isip na madalas mangyari sa mga taong natatakot, nasisiraan ng loob, nawawalan ng tiwala sa sarili, sa kapwa-tao, at sa Diyos.

Sa araw na ito ng ika-38 anibersaryo ng EDSA PPR, may tinig pa ring maririnig kahit sa gitna ng madilim na ulap, tinig na magbibigay pag-asa, tinig ng langit na magpapalinaw na ang minsa’y nasaksihan nating kadakilaan sa EDSA, kahit parang panandalian lang ay may maraming aral na maituturo sa atin. Sa pag-uusap na makabuluhan sa tanglaw ng Salita ng Diyos ayon kay Moises at Elias, sa pakikinig at pakikiisa sa Salitang nagkatawang tao kay Hesukristo, magaganap din ang ating sariling pagbabagong-anyo. Kaya umalingawngaw ang paanyaya ng langit, “Ito ang minamahal kong Anak. Makinig kayo sa kanya.” Makinig sa bukod-tanging makapagtuturo sa atin ng tamang pag-uusap na may paggalang, pagkilatis at kahandaang maghandog ng sarili. Kaya bumalik tayo sa pag-uusap kung ibig nating malubos ang pinangarap sa EDSA, kung ibig natin ng mapayapang paraan ng pagbabago, iwaksi na ang karahasan.

Saksi ako kung paano naging huwaran ng maraming bansa sa buong mundo ang Pilipinas dahil sa nangyari sa EDSA. Tandang tanda ko pa, iyun taon na napadpad ako sa Belgium para sa aking licentiate program na nagsimula noong September 1986. Dahil mga bagong estudyante kaming lahat at international, nagpakilala muna kami sa isa’t-isa. Nang sabihin ko na ako’y Filipino, sabi ng professor, “You mean you come from the country that gave the world a shining example of a peaceful revolution? Bravo!” At pumalakpak silang lahat. Naulit ang palakpak na iyon nang bumalik ako para simulan ang aking doctoral program. Ang pinalakpakan naman namin noon 1989 ay ang gumaya sa ating EDSA PPR—ang mga mamamayan ng Berlin, na nauwi sa pagkabagsak ng Berlin Wall. Mula noon, sunod sunod na naganap ang iba pang mga PPR na nagbunga ng kalayaan ng maraming mga bansa sa Eastern Europe nang walang dumanak na dugo at bumuwag sa dating USSR. Tama ang sinasabi ng theme song ng EDSA: “Handog ng Pilipino sa mundo—mapayapang paraang pagbabago.” Kung ibig natin ng pag-unlad para sa lahat, hindi lang para sa iilan, ituloy ang pag- uusap. Kaya tinayuan ng dambana ang EDSA, para may lugar kung saan pwedeng magkatagpo ang lahat ng handang makilahok sa kakaibang klase ng pamamanata.

Pamamanata, hindi para sa sarili o para sa anak, magulang o kaanak, kundi para sa bayan. Di ba binibigkas natin araw-araw ang panatang iyon nang tayo’y mga mag-aaral pa? ANG PANATANG MAKABAYAN? Panata na “iibigin natin ang Filipinas, dahil ito ang lupang ating sinilangan, ito ang tahanan ng ating lahi, ang bayang kumukupkop sa atin upang tayo’y maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang?” Di ba’t namanata tayo na “makikinig tayo sa payo ng ating mga nakatatanda, na tutupad tayo sa mga alituntunin at batas bilang mga mamamayang matapat at makabayan? Na lagi tayong magsisikap na maging tunay na Filipino sa isip, sa salita at sa gawa?” Ang naging simbolo ng EDSA ay si Maria, Birhen ng Kapayapaan. Na ito ang ating misyon bilang isang bayan—ang ihandog sa mundo ang isang regalo—mapayapang paraan ng pagbabago. Na ang katotohanan, kalayaan at katarungan ay kayang makamit na walang dahas, basta’t pagsumikapan nating makilahok sa pag uusap, makipagkaisang puso at diwa, makibahagi sa paghahatid ng mabuting balita—na ang nasaksihan nating isang munting sandali ng kadakilaan ng pagbabagong-anyo kung atin gugunitain, sasariwain at pagninilayan ay patuloy na magpapabago sa ating bansa upang makamit natin ang isang lipunang tunay na mapayapa, maunlad, patas, at malaya. (EDSA homily, Ika-25 ng Pebrero 2024)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here