Ang minimum wage bang umiiral ngayon
sapat ba para sa mga trabahador?
upang ang pamilya nila’y maiahon
sa kahirapan kung saan nakabaon
Ang anim na raan na arawang kita
ng isang matinong padre de pamilya
na may tatlong anak mapagkakasya ba?
sa pang araw-araw na gastusin nila
Sa bigas pa lamang kapagka tinuos
maghapon abot ng hundred fifty pesos
isang kilong isda magkano ang gastos?
hindi pa kasama ang mga pansahog
Hindi naman pwedeng itlog araw-araw
nakakasawa rin at nakakaumay
kung baboy naman ang bibilhin mo’t gulay
kulang ang dos syentos sa pananghalian
Kaya kahit anong klaseng pagtitipid
ang gawing diskarte nitong mga misis
ang anim na raan ay napakaliit
kung kaya’t bawal na bawal magkasakit
E ang bayad pa sa tubig at kuryente
matrikula’t baon pa ng estudyante
kung may baby ka pa na pinapadede
sa arawang kita anong mangyayare?
Hindi pa kasama ang upa sa bahay
na di maaring di natin bayaran
sa anim na libong renta kada buwan
ang suma’y dos siyentos pesos araw-araw
kaya’t kahit ikaw ay kayod kabayo
hindi pa rin sapat ang kikitain mo
kahit ang arawan gawing isang libo
malabo pa rin na ika’y umasenso
Mga mamamayan ngayo’y dumaraing
Sa sobrang taas ng presyo ng bilihin
hindi mapagkasya kahit anong gawin
ang anim na raan ay bitin na bitin
Sa naging pahayag kailan lang ng NEDA
marami ang mga taong nadismaya
ang bawat miyembro raw ng isang pamilya
sixty four pesos lang mapagkakasya na
Ang pahayag nila ay pinupulaan
hindi lang ng pobre nating kababayan
kung hindi pati na rin ng mga dayuhan
na naninirahan dito sa’ting bayan
Magkano ngayon ang bigas sa merkado?
mahigit singkwenta pesos bawat kilo
may mura subalit kapag sinaing mo
matabang ang lasa at amoy maanggo
Kung sapat lamang ang sweldong natatanggap
ng manggagawa ay walang maghihirap
ang antas ng buhay nila ay aangat
at matutupad ang kanilang pangarap
Ngunit tila bingi ang pamahalaan
sa hinaing nitong mga mamamayan
panahon na upang magantimpalaan
mga manggagawang bayani ng bayan