Home Headlines Ang ‘K to 12’ ni Pnoy, bow!

Ang ‘K to 12’ ni Pnoy, bow!

428
0
SHARE

Ito, na inakda ng ating gobyerno
sa pamumuno riyan ni Noynoy Aquino,
di lang mag-aaral ang kanyang ginulo
pag-iisip kundi ang magulang mismo.

Ang dating ‘six years’lang sa elementarya
naging pitong taon, at ang sekondarya
na ‘four years’ lang dati, ya’y limang taon na,
kaya suma total, nag-labing dalawa.

Sinong magulang ang hindi mababanas
sa idinagdag na pasan sa balikat
lalo sa hanay ng mga mahihirap
para mapatapos ang kanilang anak

Dahil sa ‘K to 12’ nga riyan na naisip
idagdag ni PNoy, na kung saan imbes
ang mga magulang sana’y makatipid
sa pag-aaral n’yan, ibayong pasakit!

Kung saan sanhi ng bagay na naturan
imbes maka-graduate agad ang mga yan
at makahanap din ng mapapasukan,
dahil sa ‘K to 12’ hindi nakayanan.

Partikular itong sa buhay hikahos
napagkaitan ng sila’y makatapos
sa ninanais na kursong ang idulot
ginhawa sa buhay at tibay ng loob.

Paano mabigyan ng magandang bukas
itong sa salapi mga kapus-palad,
kung elemtarya pa lang ay idagdag
ang isang taon pa, na anim lang dapat?

Ang ‘senior high school, na dagdag pasanin
sa mga magulang at mag-aaral din,
kinakailangan na nating kanselahin
pagkat ito’y walang dulot na magaling.

Nasa nagtuturo ang ikahuhusay
ng bata at ito ay katotohana;
Noon ‘grade 3’pa lang ay napakahusay
nang magbasa kahit ng salitang hiram.

Di gaya nang ngayon ‘grade six’ ng natapos
ng iba, ni ‘sentence’ na ika’y pa-barok
di kayang isulat sa English ng halos
lahat – pati na nang sa kolehiyo nagtapos?

O nang dahil na rin sa kapwa natin d’yan
Tagabalita na mali rin kung minsan
ang paggamit n’yan ng salita’t salaysay
kung kaya nga’t ito ang nakasanayan?

Ang salitang ‘siya’ ay para sa ‘tao,’
ang para sa ‘bagay’ o ‘thing’ dapat ‘ito’,
kaya ang masarap ‘siya’ ay di wasto
kung para sa ulam ang tinutukoy mo.

‘Broadcasters’ pa mandin sa radio at TV
itong pag-gamit n’yan ay mali parati,
kaya anong matutuhan ng marami,
na nakikinig na mga istudyante?

Kapagka sa mali nasanay ang bata,
yan ay dadalhin n‘yan hanggang sa pagtanda;
Kaya nasa Titser, saka ating kapuwa
maalam sa ganyan iasa ang tama!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here