ANO BA’NG pumasok sa kokote nitong
ating nasa CHED at naisipan itong
di kanaisnais at tila paurong
na pagtrato n’yan sa kultura’t tradisyon.
Kung saan ang ating katutubong Sabi
o Wikang Pambansa, ginustong mangyari
na tanggalin at huwag nang itong isali
sa mga aralin sa loob ng klase.
Kung alin ang ating minanang Salita
ay di na masabi ng wasto o tama
itong pangungusap na sinasalita
ng iba, maging sa Kalakhang Maynila
Ito pa ba kayang taga ibang lugar,
gaya ng sa parteng Visayas, Mindanao,
at iba pang dako nitong kapuluan
ang sa ‘ting pambansang wika ang maalam?
Sanhi na rin nitong halos bawat rehiyon,
lalawigan, lalo na sa parteng Luzon,
ay may kani-kaniyang mga katutubong
dayalekto’ng ginagamit hanggang ngayon.
At kung saan itong ating tinawag na
pambansang wika ay mga pinagsama
na mga salita ng ibang probinsya,
partikular ng Bulacan at Pampanga.
At itong iba pang pinagkaisahan
nina Quezon, mga naging Kinatawan
ng bawat probinsya nang gawing pambansang
wikang ‘Pilipino’ ang komposisyon n’yan.
Na hayan ginustong patayin nga ng CHED
sa pamamagitan ng pagtanggal pilit
sa wikang pambansa bilang isang yunit
na di na raw dapat ituro ng buwisit!?
Kung nitong hindi pa naisip tanggalin
ang wika na tunay na sariling atin,
marami na r’yan ang di alam gamitin
sa pangungusap ay saan pupulutin?
Kapag tuluyan nang hindi itinuro
ang ‘Pilipino’ ng ating mga Guro,
na ang kahantungan pagka-’baboy’ lalo
sa dila ng sanay sa salitang ‘Kano’.
Simpleng pangungusap ay di maituwid
ng marami, gaya ng wastong pag-gamit
ng ‘siya’ at ‘ito’ ang napakalimit
na ‘kinakatay’ r’yan ng sanay sa English.
(“Ang masarap ito” ay isang ‘pang-bagay’
na kinakain na kagaya ng ulam;
“Ang masarap siya”, kabalintunaan
pagkat ‘pang-tao’ ang “siya” sa puntong ‘yan).
Aywan lang kung bakit pati iba nating
mga kapatid sa Media ay ganyan din
kung sa pangungusap kanilang gamitin
ang Pambansang Wika na dapat mahalin.
Pero sa salitang hiram ay eksperto
ang nakararami sa panahong ito
partikular na ang malaking tao
at atin din namang mga pulitiko.
(Rizal ang nagsabing ang hindi magmahal
sa sariling wika ay higit sa isdang
malansa, kung kaya marapat tandaan
na ito ay hindi dapat pamarisan!)